Tara na let’s move on!

May 17, 2022 People's Tonight 52 views

Mario FetalinoPUPULUTIN lang sa kangkungan ang reklamo sa Supreme Court (SC) upang ibasura ang pagkapanalo ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagkapresidente nitong nakaraang eleksiyon.

Malinaw pa kasi sa sikat ng araw na bukod sa asar talo, namumulitika na lamang ang mga nasa likod ng pagsampa ng kaso.

Nauna nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang mga election cases laban sa presumptive president na si Marcos dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Bago ito ay nilampaso rin ni BBM ang kanyang mga kalaban sa halalan kabilang na ang manok ng mga dilawan na si Leni Robredo.

Humakot ng mahigit sa 30 milyong boto si BBM habang nasa kalahati lamang nito ang boto para kay Robredo.

Idineklara ng Comelec na isang malinis at tapat na halalan ang naganap nuong Mayo 9.

Sa kabila nito, naghihimutok ang mga kampon ng mga elitista – ‘yung mga may akala na silang lang ang magaling at mamamayan ng Pilipinas – na tila hindi maka-move on.

Kaya it’s not surprising kung bakit ipinilit pang paabutin sa SC ang mga kaso na ibinasura na ng Comelec.

Obvious na panggugulo na lamang ang motibo sa paghain ng kaso na hindi makakatulong sa pagkakaisa at pag-unlad ng sambayanang Pillipino.

Ang dapat gawin sa ngayon ay irespeto ang naging boses ng bayan at tulungan ang uupong pamunuan.

**

Isang matulis na kapatid ang nakapuna na ang mga dati nating akala na kontrabida ay bida na ngayon at ang mga dating parang bida ay kontrabida na sa kasalukuyan.

Sandali kong inisip ang mga nagaganap sa ating bayan at mabilis kong natanto na may katunayan ang kanyang sinasabi.

Kung baga sa pelikula, gets agad kung sino ang antagonist at protagonist base sa kanilang sinasabi at ikinikilos. Kung sino ang maanghang at mapagkumbaba sa pagsasalita. Kung sino ang magaspang at mapino gumalaw.

Kitang-kitang natin ito sa kasagsagan ng kampanya ng mga kandidato at kahit nang matapos ang halalan.

Baka kailangan ng mga dilawan na tumingin sa salamin para madiskubre nila ang tunay nilang katayuan sa ating lipunan.

Malay natin, madiskubre nila ang katotohanan at ito ang magsilbing daan tungo sa tunay na pagkakaisa at pagbabago sa ating bayan.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com

AUTHOR PROFILE