Tara na, bayan naman!

May 13, 2022 Allan L. Encarnacion 44 views

Allan EncarnacionANG pinakamahirap sa lahat ay iyong binasted ka na nga ng nililigawan mo, pinag-iisipan mo pa ng masama iyong sinagot niya na parang gusto mong abangan sa kanto para bugbugin.

Puwede mo namang tanggapin ang iyong pagkabigo nang hindi kailangang maging marahas. Marami pang magagandang dalaga dyan na pakalat-kalat at maghintay ka lang ng timing para makapanligaw.

Ganyan din sa eleksiyon, hindi talaga puwede iyong tabla, may manalalo’t manalo kahit pa sa paraan ng toss coin.

Itong katatapos na eleksiyon ay kakaiba sa lahat ng nangyaring halalan sa atin. Noong 2010, nang manalo si Noynoy bilang Presidente, wala naman tayong nakitang banta ng panggugulo. Noong 2016, bagama’t masakit ang pagkatalo nila kay Mayor Rody Duterte, hindi rin naman nagkaroon ng palantadaang may mga mass action dahil anim na milyon mahigit ang inilamang niya sa second placer.

Ngayong 2022, mahigit 16 million ang lamang ni BBM kay Leni pero ang nakapagtataka, marami sa mga supporters ni VP ay hindi matanggap ang kinalabasan ng eleksiyon. Hindi ito healthy democracy na palaging battlecry ng mga dating yellow na naging pink.

Hindi ko naman alam kung bakit nag-aaksaya pa sila ng kanilang mga lakas sa kanilang pagkilos gayong kung tutuusin, isang araw lang naman ang eleksiyon. Sa panahon ng kampanya, nauunawaan natin ang mga palitan ng maaanghang na salita dahil iyon na talaga ang normal na pulitika sa atin.

Ang totoo, naging one way nga ang pulitikahan dahil kahit anong isyu, kahit anong akusasyon at kahit anong putik ang ibato kay BBM, hindi naman ito sumagot. Hindi nga natin alam baka iyon nga ang ginusto ng 31 million voters niya.

Mahirap din nga naman kung papatulan ni BBM ang mga alegasyon sa kanya dahil talagang mauubos ang oras ng kampanya sa pagsagot niya sa mga ito.

Ang problema talaga ng eleksiyong ito, nagkaroon ng mga negative branding ang BBM supporters para sa mga kakampinks. Iyong aakusahan nila ang mga pro-BBM na magnanakaw, bobo, walang isip, manlulupa at mga patay-gutom.

Hindi rin malayo na ang ginawang ito ng kakampinks sa BBM supporter ang lalong nagpadingas sa kanilang galit na patunayan kung sino ang mas malakas: ang mga patay-gutom ba or ang mga elitsta.

Pero ngayong klaro na ang mandato ni BBM, kailangan na nating kumilos para sa bayan. Dalawang taon tayong pinadapa ng pandemya, maraming nawalan ng trabaho at maraming nagsarang mga kompanya at bumagsak ang ating ekonomiya.

Sa halip na nagpapasimula tayo ng gulo at mga bagay na makasisira pa sa ating bayan, bakit hindi na lang tayo magtulungan para sa ikabubuti ng lahat?

Walang maidudulot na buti ang anumang karahasan at kaguluhan. Bigyan natin ng tiyansa si BBM dahil naniniwala akong walang ibang agenda ang kanilang tambalan ni incoming VP Sara kung hindi ayusin ang bansa.

Kailangan natin ng 18 years para magkaroon ng continuity of developments. Ang unang anim na taon ay nagawa na ni Pangulong Duterte, itong next six years ay nakalaan para kay BBM.

Habang maaga pa, ang panawagan natin sa kakampinks ay ngayon pa lamang, pandayin nyo na ang inyong manok para sa 2028 baka sakalling sa inyo ang last six years ng 18 years transition.

Tama na muna ang gulo, tara, pagtulungan nating ayusin ang ating bayan!

allanpunglo@gmail.com