
TAPE balak magdemanda sa mga naninira sa kanila
PINABULAABAN ng TAPE Inc. ang ulat na hanggang katapusan na lang ng Hulyo ang Eat Bulaga sa GMA-7.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Maggie Abraham Garduque na walang dahilan para mawala ang naturang noontime show.
Lumabas ang mga haka-haka matapos makapagtala ng mas mababang rating ang Eat Bulaga kumpara sa dalawang katapat nitong noontime show noong July 1, Sabado.
“We do not contest that on July 1, mababa ang rating of ‘Eat Bulaga’ because of the anticipation of people on the launch of new shows, but thereafter, makikita na tumataas na ulit ang ratings nito,” paliwanag ni Garduque.
Batay sa tala patungkol ratings, umangat ng 0.7% ang viewership ng Eat Bulaga noong July 3, at nadagdagan pa noong July 5.
Ayon pa kay Garduque, maganda ang resulta ng mga segment ng programa.
“Eat Bulaga segments are doing great, lalo na yung segment ni Yorme [Isko Moreno] and Buboy [Villar],” patungkol niya sa “G sa Gedli”.
Patok din umano sa mga rider ng motorsiklo ang bagong segment na “Hey! Mr. Rider.” Asahan din umano ang mga celebrity rider.
Sinabi pa ni Garduque na pinag-aaralan ng kanilang legal team kung sasampahan nila ng reklamo ang nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanilang programa.
Giit ni Garduque, layunin lang ng Eat Bulaga na maghatid ng tulong at saya sa mga tao.
“Ang ‘Eat Bulaga’ ay para sa tao at hanggang maraming manonood, ang tumatangkilik, patuloy ang ‘Eat Bulaga’ sa pagbibigay ng saya at tulong sa mga kababayan natin,” saad nito.
Bagong talent ni Miguel, ipinagmalaki
SA kanyang Instagram, pinost ni Miguel Tanfelix ang bagong talent niya, ang mag-backflip.
Mapapanood ang impressive backflip video ng Voltes V: Legacy star habang nagbabakasyon kasama ang kanyang co-star na si Ysabel Ortega at iba pa nilang kaibigan.
Isa lamang ang naturang talent sa mga highlight ng aquatic adventure ni Miguel na sobra niyang ikinatuwa.
“Sharkboy,” caption ni Miguel, na gumaganap bilang si Steve Armstrong sa naturang series.
‘Amazing Earth,’ nakaka-amaze ang 5th anniversary special
KAABANG-ABANG ang ikalimang anniversary special ng Amazing Earth, na lilibutin ang buong Pilipinas para patuloy na itampok ang mga nakamamanghang kuwento tungkol sa mga hayop at kalikasan.
Sinabi ng host nitong si Dingdong Dantes na iikutin ng programa mula Luzon hanggang Mindanao para sa kanilang three-part anniversary special.
“Sa Masbate ifi-feature namin ang Cave of Skulls doon, tapos ‘yung jellyfish swimming sa Surigao. Ifi-feature namin ang Snake Island sa Bicol, si Marco Puzon na inikot niya ang buong Pilipinas,” sabi ni Dingdong.
“Nandiyan din si Sofia (Pablo) tsaka si Allen (Ansay) na nag-clean up ng Pasig River,” sabi pa ng Kapuso Primetime King.
Pagkatapos ng anniversary special, itatampok ang pagbisita ng Kapuso environmental and informative program sa National Museum of Natural History.
Mapapanood na ang Amazing Earth tuwing Biyernes simula Hulyo 14.