Default Thumbnail

Tanod napagbalingan ng galit, binaril sa ulo

September 18, 2022 Jonjon Reyes 374 views

ISANG tama ng bala sa ulo ang tinamo ng isang 51-anyos na barangay tanod nang malapitang barilin ng dayo sa lugar sa loob ng kanyang sari sari store sa Benita St., Gagalangin, Tondo noong Biyernes.

Nakilala ang biktimang si Marvin Martinez, may asawa, residente ng 2865 Benita St.

Samantala, iniutos na ni Manila Police District-Director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang pagtugis sa suspek na si Vello Bacha, nasa hustong gulang, at residente ng Phase 4, Paliparan, Dasmariñas.

Batay sa ulat ni Police Leutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 7 a.m. nang maganap ang pamamaril.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isang tricycle driver na nakilalang si Ermark Severo, 37, binata, ng Unit 410 Building 27 ng Brgy. 128 sa Permanent Housing, Balut, Tondo ang isa sa nagbigay ng salaysay sa pulisya.

May kaalitan umano ang suspek na isang tricycle driver malapit sa nasabing tindahan namg ibaling nito ang kanyang galit sa biktima.

Hinarang umano ng suspek ang isang paparating na tricycle at tumakas patungong Juan Luna.

Ilang tambay sa lugar ang nagtulong-tulong na maisugod sa Ospital ng Tondo ang biktima sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, subalit dakong 8:55 a.m. nang ideklara itong dead on arrival ni Dr. Merlita Andalecio.

Ang bangkay ay isinailalim sa awtopsiya sa Cruz Funeral Morgue habang patuloy na sinisiyasat kung ano ang tunay na motibo nang pagpatay.

AUTHOR PROFILE