Default Thumbnail

Tanod inatake ng ‘epilepsy’, nalunod

June 12, 2023 Edd Reyes 292 views

HINIHINALANG nahulog sa ilog at nalunod ang 51-anyos na barangay tanod makaraang sumpungin ng sakit na epilepsy Sabado ng umaga sa Navotas City.

Isinugod pa sa Tondo Medical Center ang biktimang tanod ng Barangay San Rafael Village matapos makita ang lumulutang niyang katawan sa ilalim ng Marala Bridge sa naturang barangay subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Sa natanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones, Jr., unang inatake ng epilepsy umano ang biktima dakong alas-9:30 ng umaga habang sinusuri ang mga biniling mga bakal sa gilid ng ilog na gagamitin sa pagkukumpuni ng kanilang bahay.

Nagawa namang makabawi sa naramdamang atake ang biktima matapos makapagpahinga kaya’t tiwala ang kanyang pamilya na maayos na ang kanyang lagay.

Gayunman, dakong ala-1 ng hapon nang makita ng 28-anyos na binata ang lumulutang na katawan ng tao sa ilalim ng Marala Bridge kaya’t humingi siya ng tulong sa mga kasama upang maiahon at maisugod sa pagamutan ang biktima.

Sa pagsisiyasat nina P/CMSgt. Aurelito Galvez at P/SSgt. Allan Bangayan ng Homicide Section ng Navotas police, posible umanong inatakeng muli ng sakit na epilepsy sa gilid ng ilog ang biktima hanggang tuluyang mahulog na naging sanhi ng kanyang pagkalunod.

AUTHOR PROFILE