Tambunting

TAMBUNTING: FAKE NEWS WALANG PUWANG SA LIPUNAN

December 2, 2023 People's Tonight 136 views

SMNI host nag-sorry kay Speaker Romualdez, sa Kongreso

IGINIIT ni House committee on legislative franchises chairman at Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang kahalagahan ng patas at totoong impormasyon ng media.

Ginawa ni Tambunting ang pahayag nang humingi ng paumanhin ang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Jeffrey “Ka Eric” Celis ng programang “Laban Kasama ang Bayan” kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at sa Kongreso, kaugnay ng sinabi nito na gumastos ang lider ng Kamara ng P1.8 bilyon sa mga biyahe.

Noong Huwebes ay nagsagawa ng imbestigasyon ang legislative franchise committee kaugnay sa posibleng paglabag ng SMNI sa mga kondisyon ng prangkisa nito dahil sa pag-ere ng maling impormasyon at red-tagging.

Sinabi ni Tambunting na walang puwang ang fake news sa modernong lipunan ng bansa at iginiit na dapat maging maingat ang media practitioners sa pagganap ng kanilang tungkulin at responsibilidad.

Bagama’t ang malayang pananalita at kalayaan sa pamamahayag ay may karapatan na ibinibigay ng Konstitusyon, sinabi ni Tambunting na ang prangkisa ng telebisyon at radyo ay nasa kapangyarihan ng Kongreso.

“Let me emphasize that the mandate of the Committee on the Legislative Franchises is the granting, amendment, extension, or revocation of legislative franchises,” ani Tambunting.

“It is authorized to exercise its oversight function to determine whether or not the franchise grantees faithfully comply with the terms and conditions of its franchise,” dagdag pa nito.

Noong Martes ay nag-privilege speech si House Deputy Majority Leader at Quezon Rep. David Jay-Jay Suarez matapos sabihin ni Celis sa programa nito, kung saan co-host niya si Lorraine Badoy, na gumastos umano si Speaker Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe.

Taliwas ito sa rekord ng Kamara na iprinisinta ni House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco sa pagdinig, kung saan nakasaad na P4.347 milyon lamang ang ginastos sa biyahe ng Office of the Speaker mula Enero hanggang Oktobre 2023.

Kasama sa tinatalakay ng komite ni Tambunting ang dalawang resolusyon na inihain ng Makabayan bloc kaugnay ng pagpapakalat umano ng fake news at walang basehang red-tagging ng SMNI laban sa iba’t ibang indibidwal at grupo; at ikalawa ang walang basehang red-tagging at pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro na inere ng SMNI.

Sa pagtatanong ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, inamin ni Celis na mali ang kanyang naging pahayag laban kay Speaker Romualdez.

“If that will heal the wound of the degree of an amount of insult that was forwarded to Congress, if that’s the effect of that, I don’t have a problem with that personally because it’s our job to recognize the mistake if there’s a mistake, but it’s also our job to ask,” ani Celis.

Itinanggi naman ng SMNI na wala itong nilabag na kondisyon ng kanilang prangkisa.

Hindi umano kontrolado ng SMNI kung ano ang sasabihin ng mga host nito.

Pero sinabi nina Tambunting, Suarez at Pimentel na hindi maaaring ilayo ng SMNI ang sarili nito sa obligasyon at pananagutan ng nagawa ng kanilang anchor.

Iginiit nina Tambunting at Pimentel na malinaw ang nakasaad sa Section 4 ng batas na nagbibigay ng 25-taong prangkisa sa SMNI, na hindi nito gagamitin ang kanilang pasilidad upang mag-broadcast ng “obscene or indecent language, speech, act, or scene; or for the dissemination of deliberately false information or willful misrepresentation, to the detriment of the public interest…”

“Under this provision, the grantee or the network is ultimately responsible for whatever its personnel, program hosts, block timers, or broadcasters say over the airwaves,” sabi ni Tambunting.

“If you hide behind your so-called waiver, this Section 4 will be useless, and we will not allow that,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Pimentel na ang prangkisa ay ibinigay ng Kongreso sa Swara Sug Media Corp. of the Philippines pero ang ginagamit nitong business name at trademark ay Sonshine Media Network International, Sonshine TV at Sonshine Radio.

Sa ilalim ng batas, sinabi ni Pimentel na pinagbabawalan ang Swara Sug na ibigay sa iba ang broadcasting privilege o ipagamit ang prangkisa nito sa iba.

Sinabi ni Tambunting na titignan ng kanyang komite kung mayroong nalabag dito ang Swara Sug.

AUTHOR PROFILE