Default Thumbnail

Tambay patay sa palo

April 18, 2022 Jonjon Reyes 250 views

BINAWIAN ng buhay habang inoobserbahan sa pinagdalhang pagamutan ang isang 41-anyos na tambay makaraang pagpapaluin ng dos por dos na kahoy sa ulo ng hinihinalang bangag sa shabu sa Sta. Ana, Maynila.

Kinilala ni P/Lt. Col. Orlando Miranda Jr., commander ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6 ang biktimang si Jesus Meravalles, binate, ng Road 6, Bagong Sikat, Barangay 905, Punta, Sta. Ana.

Samantala, agad namang inaresto ng mga opisyal ng barangay na pinangunahan ni Kagawad Ariel Himan ng Bgy. 905 ang suspek na si Henry Macato, 54, may ka-live-in, construction worker ng J. Posadas St., ng parehong barangay.

Nauna rito ayon sa ilang testigo, nitong Abril 16, bandang ala-1:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Road 5 sa Bgy. 905 sa nasabing lugar.

Naglalakad umano si Meravalles, nang paghahatawin ng dos por dos sa ulo na may habang 33 pulgada.

Nakauwi pa umano ang biktima sa kanilang bahay at saka lang ito nawalan ng malay.

Mabilis na isinugod ito sa Sta. Ana Hospital, subalit kinagabihan ng Linggo, binawian na ito ng buhay.

Malaki ang hinala ng pulisya na napagtripan lang si Meravalles dahil wala naman umano itong atraso kay Macato.

Dahil dito, inakyat sa kasong murder ang insidente sa MPD-Homicide Section habang inaalam kung wala sa katinuan ang suspek at ang tunay na motibo ng pamamaslang.

AUTHOR PROFILE