Default Thumbnail

Tambay na ‘naglalaro’ ng baril, timbog sa Caloocan

April 21, 2023 Edd Reyes 407 views

NASAKOTE ng pulisya ang 36-anyos na lalaking tambay habang nilalaro umano ang bitbit na baril na labis na lumikha ng pangamba sa mga naninirahan sa 2nd Avenue Biyernes ng umaga sa Caloocan City.

Naging maingat ang mga tauhan ni P/Col. Alex Daniel, hepe ng District Intelligence Division ng Northern Police District (DID-NPD), sa pagdakip sa suspek, residente ng Barangay Tangos-North, Navotas City matapos ipabatid sa kanila ng impormante na mapanganib at armado ang kanilang dadakpin.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni NPD Director Ponce Rogelio Peñones, Jr., nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng DID, kasama ang Intelligence Division ng Navotas at Caloocan police pasado alas-5 ng umaga sa Bgy. Tangos-North laban sa suspek sa nangyaring insidente ng pamamaril noong Martes ng umaga, Abril 18, sa B. Caseñas St. sa naturang barangay nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa lalaking palakad-lakad habang may bitbit na baril diumano sa bahagi ng Rizal Avenue Ext. sa Caloocan.

Kaagad na nagtungo sa lugar ang mga pulis at dito na nila natiyempuhan si ang tambay, malapit sa kanto ng 2nd Avenue, habang nilalaro ang dalang kalibre .22 na Magnum na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto dakong alas-5:20 ng umaga.

Inaalam na ng mga tauhan ng DIID-NPD kung ang naaresto ang may kagagawan sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki noong Martes ng umaga sa B. Caseñas St. na nagresulta sa pagkasawi ng biktima.

Batay sa ulat, kasong paglabag muna sa RA (Republic Act) 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang isasampa ng mga pulis laban sa suspek sa piskalya ng Caloocan City.

Gayunman, patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pamamaril sa Bgy. Tangos North at sa suspek.

AUTHOR PROFILE