Tambay ‘mahilig’ sa dalagita, pasok sa selda
SA kabila ng kinakaharap na kasong panggagahasa sa isang menor de edad, ang isang 47-anyos na tambay ay inireklamo naman ng panghihipo sa isang dalagita sa Navotas City.
Dinakip ng mga opisyal ng barangay ang suspek na residente ng Habitat Pabahay sa Barangay Tanza 2, matapos sampahan ng kasong acts of lasciviousness sa ilalim ng Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, ng ina ng menor de edad na dalagitang kanyang minolestiya.
Nauna rito’y iniutos na ni Navotas Police chief PCol. Mario Cortes kay P/CMS Ronie Garan, hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Navotas Police, ang pagtugis sa suspek na kabilang sa listahan ng most wanted person ng lungsod bunsod ng kinakaharap na kasong statutory rape.
Nang matunton ng pulisya ang tinutuluyang bahay ng suspek Biyernes ng umaga, dito nila nalaman na nakakulong na pala ang akusado sa Navotas City Jail matapos madakip ng mga opisyal ng barangay bunga ng ginawang kahalayan sa isang dalagita sa kanilang lugar.
Kaagad na nagtungo sina Garan at P/SMS Alano Quisto sa Navotas City Jail upang isilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Navotas Family Court Presiding Judge Cecilia B. Parallag ng Branch 9 laban sa akusado kaugnay sa kasong statutory rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code.
Ayon kay Cortes, walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng suspek.