‘Tambay’ huli sa gun ban

April 7, 2022 Jonjon Reyes 62 views

DAHIL lamang sa simpleng ordinansa sa hindi paggamit ng helmet, kawalan ng lisensiya at dokumento ng motorsiklo, isang 38-anyos na tambay ang kalaboso sa checkpoint at nadiskubreng armado pa ng baril sa Port Area, Manila, umaga nitong Huwebes.

Bukod sa kasong paglabag sa RA 10054 (Motorcycle Helmet Act 2009), RA 4136 ( Driving Without License and Unregisterd Vehicle) at Republic Act 10591 in relation to Omnibus Election Code (Comprehensive law on Firearms and Ammunition) ang kahaharapin ng suspek na si Alex Rivera, may kinakasama, tubong Samar Leyte, kaanib ng “Batang City Jail” at residente ng Bgy. 304 Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat nina P/Cpl. Jack Daniel Saligumba at P/Cpl. Mark Michael Espiritu, kapwa naka-assign sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDETU) bandang alas-9:00 ng umaga nang masita si Rivera sa panulukan ng A. Bonifacio Road at 25th Street malapit sa Manila Hotel sa Port Area dahil sa wala itong suot na helmet.

Bukod sa unang paglabag, walang maipakitang dokumento ng motorsiklo, walang lisensiya ang suspek at narekober ang isang kalibre 38 pistola na may 3 bala.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng MPD-Ermita Police Station 5 ang motorsiklong Rusi ni Rivera makaraang i-turnover. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE