Default Thumbnail

Tambalan dapat ang pagboto

November 26, 2021 People's Tonight 217 views

tessMARAMI nang pagkakataon ang nagpapatunay na ang pagboto ng presidente at bise presidente galing sa magkaibang tambalan ay hindi nagbubunga ng magandang samahan sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Kung kapwa nagkakasundo ang presidente at bise presidente hindi ba’t mas nakapokus ang dalawang mataas na lider sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko kesa punahin ang isa’t isa?

Kaya tulad sa Amerika na tandem voting ang pinatutupad, dapat dito sa atin ay pag-isipan na ng mga botante ang pagpili ng presidente at bise presidente na may iisang sinusulong na plataporma.

Para talagang masasabi na may pagkakaisa at solido ang pamamahala.

Kung sa pagkain puwede tayong mag-eksperimento ng iba’t ibang sangkap para magkaroon ng bagong lasa o kaya sa pananamit puwedeng mag-mix and match para maiba ang porma, pagdating sa pagpili ng kandidato ang ganitong paraan ay nagreresulta lang ng mismatch o hindi pagkakatugma.

May tambalan naman sa mga politiko pero tila hanggang eleksisyon lang. Gamitan para umangat at makahakot ng suporta. Pag-upo sa puwesto, dedmahan uli. At kung maupo ang mga kandidato na galing sa magkaibang kampo, madalas pa na humahantong ang role ng bise presidente sa tila pagiging ‘reserba’ lang.

Dito na ngayon nagsisimula ang gusot sa mismong dapat mamuno sa atin. Kaya kailangan talaga ng tandem voting dahil magkapareho nga ng agos ang kanilang mga plano para sa ikabubuti ng bansa.

Parang sa sayaw, pagka ang mag-partner pareho ang galaw mas suwabe ang performance.

Katulad ng nangungunang tambalan nina former Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte o kilala na sa pinakasikat at pinakamalakas na BBM-Sara Uniteam na ang isinusulong ay pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad.

Matatandaan na sa mga pinakahuling survey, namamayagpag at nangunguna ng malayo sa mga katunggali ang tambalang BBM-Sara Uniteam na nag-aalok at nagsusulong ng mapagkaisang pamumuno para sa 2022 national elections.

May lamang din ang tambalan nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at Nationalist People’s Coalition chairman Vicente “Tito” Sotto III, na base rin sa obserbasyon ng political analyst ay kapwa pinakahanda para sa posisyon ng presidente at bise presidente.

At napatunayan ito sa katatapos lang na survey kung saan lumabas na sina Lacson at Sotto ang pinakamahigpit na kalaban ng mga tambalan.

Ngayon ang hamon sa atin ay sipatin ang lahat ng mga kandidato bilang presidente at bise presidente. Sino ba sa kanila ang talagang handa simula umpisa? ‘Yung walang eme-eme, hindi madrama, at seryoso ang agenda.

Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa 09175841714 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE