Alex

‘Tamang Panahon’ ni Alex, ‘ganti’ sa pagpapahirap ng AlDub

February 4, 2025 Ian F. Fariñas 150 views

PAANDAR ang taong 2025 para sa komedyanteng si Alex Calleja dahil meron siyang stand-up comedy special na ipapalabas sa Netflix simula Feb. 7 at world tour kasama ang grupo niyang The Comedy Crew simula Feb. 16.

Ang comedy special na ipo-promote ni Alex at ng kanyang grupo ay pinamagatang “Tamang Panahon.”

Bakit “Tamang Panahon”? Kasi, tingin niya, mas meron na siyang influence ngayon, puhunan at kilalang mga personalidad para matupad ito.

Ayon pa sa kanya, ito rin ang tamang panahon na maipalabas ito sa isang higante’t global streaming platform tulad ng Netflix para mas lumawak ang reach ng Pinoy stand-up comedy.

Pagbabalik-tanaw ni Alex, noong 2007 na nagsisimula siya bilang stand-up comic, “halos walang tao sa mga open mics namin noon. Minsan ‘yung madadatnan mo nagmi-meeting pa.”

Ang isa pa umanong rason kung bakit pinili niya ang titulong “Tamang Panahon” ay dahil sa AlDub, ang sumikat na tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza sa “Eat Bulaga.”

“Ang isa rin sa mga dahilan kung bakit tamang panahon, I was a writer of ‘Showtime’ at isa sa mga nagpahirap sa akin sa ‘Showtime’ nu’ng 2015, eh, ’yung pagpasok ng Aldub. 2015 po ‘yun. July po, tandang-tanda ko. July nagkatinginan si Maine saka si Alden. Pagtinginan nila, susmaryosep, kagagawa lang namin ng ‘Funny One’ nu’n. ‘Yung ‘Funny One’ po, ‘yun po sana ‘yung way para makilala ang mga stand-up comedian. Ang nanalo po du’n kasama namin sa grupo.

“Ilang linggo lang nagkatinginan si Maine at Alden, hindi na po kami naka-recover du’n. Hindi sila nagsasalita. Oo, pinagsama-sama namin si KathNiel, LizQuen, saka si JaDine. Ten percent po kami sa Araneta, 30 percent po ‘yung ‘Eat Bulaga’ nu’n. Nakaraos lang kami nu’ng January nu’ng pinasok namin ‘yung ‘Tawag ng Tanghalan’ at ‘Trabahula.’

“So ngayon naman para mapakinabangan ko naman ‘yang ‘Tamang Panahon’ na ‘yan, ‘yan po ang ginamit ko. And, of course, isa rin sa mga goal ko para sana maging successful ito is to open again doors for my fellow comedians, our Comedy Crew. Nakita n’yo naman sila, sinampol nila ‘yung maikli para makilala n’yo. Kasama ko naman sila sa February 16 sa Singapore. Ang goal ko talaga is magdala ng mga stand-up comedians sa iba’t ibang bansa. Nagsimula yan last year,” mahaba pang paliwanag ni Alex.

Samantala, ang kanyang world tour kasama ang The Comedy Crew ay magsisimula sa Singapore sa Feb. 16, susundan ng USA mula April 4 to 13; Canada, May 23 to June 8: UAE, Australia at New Zealand (dates to be announced).

AUTHOR PROFILE