Tamang impormasyon ang kailangan

May 20, 2021 Paul M. Gutierrez 194 views

TARGET ngayon ng gobyerno na magkaroon ng herd immunity o malaking bilang ng populasyon na mabakunahan pagdating ng Setyembre ngayong taon.

Bagamat may kakulangan pa rin sa supply ng bakuna sa kasalukuyan, inaasahan na patuloy pa rin ang pagdating ng mga ito sa bansa.

Magandang balita ang ganitong target ng ating gobyerno upang maproteksiyunan ang publiko sa panganib na dulot ng COVID-19 na ngayon ay patuloy pa rin na kinakaharap ng buong daigdig. Kasabay pa nito ang patuloy na pag-mutate na lumilikha ng mga bagong variants na lubhang mas mapanganib o mas madaling makahawa kesa sa orihinal na virus.

Kaya naman puspusan ang ginagawang mekanismo sa pagpapabilis ng pagbabakuna sa mga mamamayan.

Hindi tuloy nakapagtataka na may mga nagnanais na amyendahan ang Republic Act 11525 o COVID 19 Vaccination Program Act upang maisali ang mga dentista at mga medical technologists para magbakuna.

Magandang hakbang ang ganito na inaasahan nating magpapabuti sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon.

Ang masamang balita, marami sa ating mga kababayan ang hindi nais magpabakuna o kaya naman ay ‘choosy’ sa bakuna.

Marami ang mga nangangamba sa bakunang ituturok sa kanila na baka magkaroon ng hindi magandang epekto o di kaya baka ikamatay pa nila.

Kaya naman nagmumukhang choosy ang mga Pilipino. Kaya naman kahit na si DILG Sec. Ed Ano ay hindi na nais pangalanan pa ang bakuna agad-agad.

Maraming mga dahilan kung bakit sila natatakot sa bakuna, subalit may mapangangailangan kung gayon na mas paigtingin ng gobyerno ang impormasyon sa pakumbinsi sa mga mamamayan na magpabakuna kung anoman ang bakunang mayroon.

Sa ngayon mukhang mas mabilis pang kumalat ang takot sa bakuna kesa sa impormasyon para sa pangangailangan nito.

Sa ganang atin, hindi maiaalis ang pangamba ng mga tao sa bakuna (Sino ba naman ang makakalimot sa ginawa ng Dengvaxia?)

Subalit, mapapangibabawan ito kung mabibigyan sila ng tamang impormasyon tungkol sa kahalagahan ng bakuna.

Tinitiyak naman na anuman ang bakuna na mayroon ay lubhang makakatulong upang maproteksiyunan tayo sa COVID-19 at mapigilan ang pagkalat pa nito. Ika nga, mas mabuti na ang may bakuna kesa wala.

Kung nais maabot ng ating pamahalaan ang herd immunity bago matapos ang taon na ito, kailangang maging agresibo din sa pagpapakalat ng tamang impormasyon pagdating sa bakuna. Sa kasalukuyan wala pang 5 prosiyento ng populasyon ang nababakunahan.

Mabagal kung titingnan pero, maaari itong mapabilis kung may sapat na bakuna na darating at bukas na ang isip ng tao sa kahalagahan nito.

Sa ganang atin hindi bakuna ang kinakatakot ng tao, kundi ang maaaring maling impormasyon na mayroon ang mga ito pagdating sa bakuna.

Sa panahon ngayon hindi madaling kalaban ang maling impormasyon kung hindi maglalabas ng tamang impormasyon at maging agresibo sa pagpapakalat nito.

AUTHOR PROFILE