Default Thumbnail

Tama ba ang kaso kay Bantag?

November 9, 2022 Allan L. Encarnacion 535 views

Allan EncarnacionMADALAS ay hindi popular ang aking tinatayuang posisyon sa maraming isyu sa ating bayan.

Hindi ko kasi naging ugaling sumabay sa agos, hindi baleng kokonti kami o kahit minsan nag-iisa ako, ang importante, tumindig sa prinsipyo na tingin ko ay tama. Tandaan nating mabuti, hindi lahat ng popular ay tama.

Importante ang pag-aanalisa at dapat ding maingat sa paglalahad ng iyong opinion dahil may mga nakakabasa ng ating mga isinusulat mula bata hanggang matanda.

Noong panahong nililitis ng impeachment court si former Chief Justice Renato Corona, isa ako sa iilang nasa media ang tumayo para kuwestiyunin ang ginagawa ng Aquino government. Kitang-kita na maniobra ang lahat pero mas pinili ng iba na sumayaw at makipagtanggo sa gobyerno noong panahong iyon.

Ang paniniwala ko, ginipit at pinulitika lang si Corona. Hindi ko makalimutan ang kolum na isinulat ko tungkol sa isyung ito na nasa online din ng People’s Tonight noong mga panahong iyon. Libu-libo ang share na umabot ng halos 17k ata.

Isa iyon sa kolum ko na pinakamaraming nagbasa at pinakaraming nag-share. Sa pagtining ng malabong tubig, naabsuwelto si Corona sa Sandiganbayan bagama’t na-convict sa impeachment court na kalaunan ay nagkabukingang may batik pala ng daan-daang milyong pisong suhulan. Ibig sabihin, tama ang posisyon ko sa isyu.

Nang dakpin ang anak ni Justice Secretary Remulla dahil sa padalang package na may P1.3M high grade marijuana, marami na naman ang humingi ng ulo ng Justice Secretary kahit wala naman siyang kinalaman sa kaso ng kanyang anak. Sinabi na naman nilang guilty ang batang Remulla. Pero para sa akin, katulad ng naisulat ko na rito, mahina ang kaso laban sa anak ni Secretary Boying.

Sino ba namang gago ang magpapadala sa kanyang sarili ng illegal drugs sa mismong address niya at gamit ang mismong pangalan niya?! Sabi ko nga, wala pa akong nakitang pumatay tapos inilagay ang kanyang business card sa ibabaw ng bangkay!

Heto na naman tayo, sa tingin ko masyadong pilit ang kasong isinampa laban kay Bantag sa usapin ng pagpaslang sa kasama nating si Percy Lapid.

Kung nakakita na kayo ng malasadong itlog, ganoon ang pagtingin ko sa kasong ito, hilaw na hilaw.

“Certain Bantag daw ang nag-utos na magpapatay kay Lapid. Nagpadala pa ng video ng pagbanat ni Percy.”

Hindi ko alam kung bakit kailangang paniwalaan ang ganitong klase ng pahayag mula sa isang testigo na noong una ay wala namang sinasabing ganyan.

Kasama tayo sa naghahangad ng katarungan para sa pagpaslang kay Lapid pero hindi tayo aayon sa maling paraan ng pagsasampa ng kaso.

Sa tingin natin, nakapundasyon sa buhangin ang kaso laban kay Bantag kaya kailangan pang maghanap ng mas matibay na ebidensiya ang mga awtoridad.

Ibang klase ang mga capital offense, kailangan ito ng air tight, kailangang beyond reasonable doubt para makakuha ng conviction. Kung labanan lang ito ng propaganda, talo na si Bantag dahil wasak na ang kanyang pangalan. Pero iba ang labanan sa korte, lahat ng kaliit-liitang detalye ay binubusisi ng ating mga huwes.

Ang suggestion natin sa DOJ, sa NBI at PNP; huwag madaliin ang kaso at huwag masyadong paniwalaan ang ibang testigo na puwede nating sabihing kulang sa kredibildad.

Uulitin natin, gusto nating madakip at makulong nang habambuhay ang responsable sa pagpatay kay Percy ngunit kailangang sigurado tayo sa ating kaso para hindi masayang ang pagsisikap ng gobyerno na maigawad ang katarungan.

[email protected]