Marlon Purification

Tama ang panawagan ni Iloilo Rep. Janette Garin!

July 16, 2022 Marlon Purification 247 views

ANGKOP ang panawagan ni Iloilo Rep. Janette Garin na maglaan na ng pondo ang pamahalaan para sa mga iaangkat na bakuna kontra sa COVID-19.Ang panawagang ito ni Congresswoman

Garin ay kasabay ng inilabas na pahayag ng World Health Organization (WHO) na wala pang nakikitang indikasyon na magwawakas na ang pandemya.

Ito’y dahil na rin sa patuloy ang “mutation” o pagbabagong anyo ng COVID-19.

Sa tuwing magkakaroon ng bagong variant, bagong uri ng bakuna muli ang kailangan at tiyak panibagong pabigat ito para sa pagpopondo ng pamahalaan.

Sinabi ni Garin na dahil sa hindi matawaran nating karanasan hinggil sa pananalanta ng corono virus, marapat na maging maagap ang pamahalaan para paghanda ito — hindi lamang sa pagbibigay ng tamang impormasyon kundi pati na rin sa paglalaan ng kaukulang pondo.

Sa ngayon, may babala pa ang OCTA Research Group na sa patuloy na pagtaas sa kaso ng COVID sa Metro Manila, malamang umabot ito sa arawang bilang na 1,000 kaso.

May bagong natuklasang bakuna para sa Omicron variety na kung tawagin ay “bivalent.”

Dahil dito, nasisiguro kong panibagong gastos na naman ito sa pamahalaan.
Isang malaking abala upang muli na naman tayong pumila para magpabakuna.

Kung pagbabatayan ang walang patumanggang mutation ng COVID virus, wala ring tigil dapat ang ilalaan na malaking pondo ng gobyerno na sana ay maaaring magamit sa ibang proyektong mapapakinabangan ng taumbayan.

Isang malaking hamon para sa bagong adminitrasyon.

Samantala, pabor din tayo sa sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire hinggil sa paglalagay ng vaccination sites sa mga paaralan para mapataas ang bilang ng nababakunahan at bilang paghahanda sa napipintong “face-to-face classes” sa pasukan.

Bukod sa paaralan, nais din ni Vergeire, bilang pinuno rin ng National Vaccination Operations Center, na magtayo ng bakunahan sa mga pook-gawaan, lugar ng pagsamba, at maging sa mga pampublikong palengke.

Nilinaw ng opisyal na hindi gagamitin ang pagpapabakuna bilang requirements ng mga mag-aaral na papasok sa paaralan dahil batid at kinikilala ng DOH na may mga magulang pa rin na ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak.

Ang dapat gawin umano nila sa pamahalaan ay bigyan ng insentibo at hikayatin ang mga magulang at guardians.

Tiyakin at ipaintindi sa kanila na mas ligtas ang ating mga anak kung sila mapapabukanan.

Si Vergeire ay itinalagang DOH OIC kamakailan ng Pangulong Bongbong Marcos.

Tinanggap niya ang appointment sa upang maipagpatuloy umano ang trabaho sa ahensya at magkaroon ito ng pinuno, sabi pa ng opisyal.

Sa nangyayari ngayon, malayo pa sa katotohanan mawala na ang COVID-19.

Pero kung may mga katulad sina Garin at Vergeire at iba pang opisyales ng pamahalaan, pasasaan ba ay magiging maayos din ang lahat.