Talagang sinasakal tayo!

October 4, 2021 Joey C. Papa 304 views

JoeyTumaas na naman ang presyo ng produktong petrolyo.

Siyempre tataas ang presyo ng diesel, gasolina at Liquefied Petroleum Gas o LPG.

Mahigit limang linggo na ang mga pagtaas na ito at ito yata ang pinakamataas ngayong Setyembre at Oktubre.

Kausap ko ang isang mahirap na residente na taga Payatas QC. Pangamba niya’y baka umabot ng isang libo ang bawat tangke ng LPG.

Mahalaga sa kanila ito bilang panluto.

Kaya marami daw sa mahihirap ngayon, gumagamit na ng uling kahit noon pa dahil hindi naman daw matigil ang madalas na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Bakit tila pinababayaan ng pamahalaan ang pagtaas ng mga kumpanyang ito gamit lamang ang mga salitang “world market?”

Bakit kahit na ang mga matatapang na senador at ilang makabayang mambabatas sa Kamara ay wala ring magawa?

Alipin na nga ba tayo ng mga kumpanyang ito?

Hindi ba dapat imbestigahan ang mga kumpanyang ito?

Bakit hindi rin umuusad ang paggamit ng renewable source of energy tulad ng solar at windmills at iba pang indigenous source of energy tulad din ng tubig?

Ano ang halaga ng Clean Air Act kung puro polusyon naman ang dulot ng mga produktong petrolyo.

Parang hindi na ito pinapansin ng tatlong sangay ng ating pamahalaan. Habang ang mga dambuhalang kumpanya ay panay naman ang pahirap sa mamamayang Pilipino sa maraming dekada nang nagdaan.

Saan na papunta ang ating bayan?

Walang makitang malinaw na direksyon sa batas o patakaran man lamang sa pamamahala ng enerhiya ng ating bansa.

Sabi nga ng isang tusper, “dinidribol na lang tayo lagi.”

Aasahan na naman natin ang malawakang protesta ng mga transport group na siyang unang tatamaan ng walang habas na pagtatas na ito ng produktong petrolyo.

Nabalitaan ko rin na may protesta ring gagawin ang mga maralitang lunsod na kasama rin sa mga tatamaan ng pagtaas ng presyo ng kerosene at LPG.

Alipin nga ba tayo ng mga dambuhalang kumpanya o talagang “ginagatasan” lang tayo?

Kanino naman napupunta ang porsyento ng “gatas?”

Sabi ng isang nanay, “ginigisa tayo sa sariling mantika.”

AUTHOR PROFILE