Posas

TAIWANESE DINUKOT NG 7, NI-RAPE 2X

August 21, 2023 Edd Reyes 121 views

NAILIGTAS ng pulisya ang 35-anyos na dalagang Taiwanese national na dinukot ng pitong kalalakihang Chinese, matapos madakip ang dalawa sa mga ito sa isinagawang rescue operation Linggo ng hapon sa Malabon City.

Kinilala ni Northern Police District Director P/BGen. Rizalito Gapas ang mga nadakip na sina Zheng Xi Lin, 34, at Ma Pun Xin, 36, kapuwa nangungupahan sa No. 89 Block 5, Oak Street, Victoneta North, Barangay Potrero, kung saan ikinulong at umano’y ginahasa pa ng lider ng grupo ang nailigtas na biktima na residente ng Bonifacio Global City sa Taguig City.

Sa isinagawang imbestigasyon nina P/SSg Jeric Tindugan at P/Cpl. Joann-Rose Tindugan ng Malabon Police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), unang inimbitahan ng kanyang kaibigang nakilala lamang sa alyas “Axin” ang dalagang Taiwanese sa isang lugar sa Malate, Manila, noong Agosto 14 na kanya namang pinaunlakan.

Gayunman, nang dumating sa naturang lugar ang biktima, wala roon ang kanyang kaibigan at sa halip, ang sumalubong sa kanya ay ang pitong lalaking Chinese na nagtakip sa kanyang mga mata at puwersahan siyang dinala sa bahay na inuupahan ng nadakip na suspek sa Bgy. Potrero, Malabon City.

Nagawa namang makatawag ng biktima sa isa pa niyang kaibigang Taiwanese na lalaki na siyang nagsumbong kay Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan na kaagad iniutos ang pagberipika sa sinasabing insidente.

Nang mag-positibo ang sumbong, kaagad na pinangunahan ni Tangonan ang pagsasagawa ng operasyon, kasama ang mga operatiba ng Intelligence Unit at Malabon Police Sub-Station-1 sa Victoneta North, Brgy. Potrero, dakong alas-3 ng hapon matapos nilang matunton ang lugar sa pamamagitan ng global positioning system na nakakabit sa cellular phone ng biktima.

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay at homeowners’ association, nadakip ng pulisya ang dalawang lalaking Chinese at nailigtas ang biktima na nasa loob ng inuupahang bahay ng mga suspek.

Sa isang panayam kay Tangonan, sinabi aniya ng biktima sa kanya na hinalay siya ng dalawang ulit ng lider ng mga suspek noong Agosto 18, sa kabila ng pagbibigay niya ng hinihinging malaking halaga ng salapi para siya’y palayain na umaabot sa kabuuang halagang US$124,233 na nai-transfer niya sa pamamagitan ng serye ng online transactions.

Idinagdag pa ni Tangonan na batay sa resulta ng isinagawang medical examination sa biktima nitong Linggo ng gabi, lumalabas na may “laceration in her hymen” bagama’t wala pang kumpletong detalyeng ibinibigay sa kanya ang Women and Children’s Protection Desk kung sapat na ito upang patunayan ang akusasyon ng panghahalay.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng follow-up operation ang pinagsanib na puwersa ng Malabon Police Follow-Up Unit, Intelligence Unit, SIDMS at mga tauhan ng Police Sub-Station-1 para sa posibleng pagdakip pa sa limang Chinese nationals na sangkot sa pagdukot sa biktima.

AUTHOR PROFILE