Sanya

Tagumpay sa showbiz, handog nina Sanya at Ken kay Kuya Germs

September 8, 2021 Vinia Vivar 799 views

KenchanGermanKung anuman ang narating nina Ken Chan at Sanya Lopez, ito raw ay kanilang inaalay sa yumaong si German Moreno na siyang unang nagtiwala sa kanila.

Matatandaang sa programa ni Kuya Germs na Walang Tulugan nagsimula ang career nina Ken at Sanya at hinding-hindi raw nila makakalimutan ang lahat ng tulong na ibinigay ng kanilang Tatay German sa kanila.

Ayon kay Sanya sa virtual mediacon kahapon ng Regal Studio Presents, parang angel pa rin daw nila si Kuya Germs up to now na kahit wala na ito ay patuloy pa rin silang nabibigyan ng mga blessings.

“Sabi ko kay Ken, napaka-blessed natin and lahat ng mga blessing na dumadating sa amin ay talagang ibinibigay namin kay Tatay talaga, dini-dedicate namin sa kanya at isa kasi siya talaga sa mga unang naniwala sa amin, eh,” sey ni Sanya.

Sina Sanya at Ken ang magkatambal for the first time sa pilot episode ng Regal Studio Presents.

Anila ay matagal daw nilang hinintay ang pagkakataong ito at sobrang happy sila na finally ay dumating na at sa isang napakalaking collaboration pa between Regal Films and GMA-7.

“Sa loob ng isang dekada, ngayon lang ulit kami nagkatrabaho ni Sanya. Ten years ago, pinag-usapan namin na sana, magkatrabaho kami and dumating na ‘yung perfect time and sobrang happy kami ni Sanya na between GMA Network and Regal Films pa ang magiging proyekto naming dalawa. And it’s an honor na maging parte nito,” sabi ni Ken.

Kung nasaan man daw si Kuya Germs ngayon, sigurado silang masayang-masaya ito ngayon sa nakikita sa kanila.

“For sure, sobrang happy ni Tatay ngayon at alam mo ‘yung pakiramdam na kahit wala na si Tatay, parang patuloy pa rin niya kaming mina-manage. ‘Yung kahit wala na siya, ramdam namin ni Sanya na patuloy niya kaming inaalagaan and alam namin ni Sanya na sobrang proud si Tatay sa amin,” ani Ken.

Samantala, ang Regal Studio Presents ay isang telemovie na maghahatid ng mga bago at napapanahong TV specials every week.

Ang pilot episode ay pinamagatang That Thin Line Between na pinagbibidahan nga nina Ken and Sanya.

Bukod kina Ken and Sanya ay dumalo rin sa virtual mediacon sina Joey Abacan of GMA Films and Mother Lily at Roselle Monteverde ng Regal Entertainment, gayundin ang magdyowang Khalil Ramos and Gabbi Garcia na bibida rin sa isang episode at ang mga young stars na sina Sofia Pablo, Allen Ansay at Sandro Muhlach.

Mapapanood na ang two-part primetime premiere ng Regal Studio Presents sa September 11 and 18 at 8:30 p.m., bago lumipat sa regular timeslot nito at 4:35 p.m. every Sunday simula September 26 sa GMA-7.

AUTHOR PROFILE