Lani1 Nagbigay ng mensahe si Taguig Mayor Lani Cayetano sa mga benepisyaryo ng Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship sa mga bagong residente ng Taguig na mula sa Embo barangays.

Taguig namahagi ng scholarship sa Embo bgy applicants

September 26, 2023 Jonjon Reyes 558 views

NAMAHAGI ang lungsod ng Taguig ng scholarship allowance sa 387 na mga bagong benepisyaryo ng Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship sa mga bagong residente ng Taguig na mula sa mga Embo barangays noong Lunes.

Ito’y bahagi ng dedikasyon ng Taguig na palawakin ang serbisyong matatanggap ng mga Embo barangays.

Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng unang batch ng mga bagong iskolar. Humigit-kumulang na 5,000 aplikante para sa scholarship mula sa mga barangay ng Embo ang naitala nitong nakaraang linggo.

May pitong kategorya ang LANI Scholarship Program na may kaukulang grant o halaga mula P15,000 hanggang P110,000 bawat taon. Ang mga allowances ay ibinibigay kada semestre.

Bukod dito, may karagdagang P5,000 para sa mga benepisyaryo na nakakamit ang semestral weighted average na hindi bababa sa 88.75.

Bago ang pamamahagi, isinagawa ng lungsod ang door-to-door na pamimigay ng mga notices upang personal na imbitahan ang lahat ng mga kwalipikadong mag-aaral sa programa. Ito ay bukod pa sa mga ipinadalang notice sa kanilang email.

Bilang isang Transformative, Lively, at Caring City, sinisiguro ng lungsod ng Taguig na ang bawat estudyante na may pangarap makapagtapos ay mabibigyan ng pagkakataon na makumpleto ang kanilang kurso, maging ito’y tech-voc courses, apat o limang taong year kurso o mga pag-aaral sa mas mataas na antas (post-graduate).

Binuo upang gawing inklusibo at abot-kamay para sa lahat, layunin ng programa na mapakinabangan ang naturang scholarship program, hindi lamang ng nasa top 10 na porsyento ng mga nagsisipagtapos kundi maging ng lahat ng nagnanais magpatuloy sa kanilang pag-aaral pagtapos ng high school.

“Binukas natin ang scholarship program natin sa lahat ng gustong makapag-aral at makapagpatuloy sa kolehiyo. Sa Taguig, we recognize na may iba’t ibang klase ng katalinuhan at ito ay hindi nasusukat sa academic excellence lamang. We believe that your gifts or your talents in art or music or sports are also a form of intelligence,” wika ni Mayor Lani.

Dagdag pa niya, naniniwala ang lungsod, sa ilalim ng kanyang pamumuno, na ang pamumuhunan sa edukasyon ang magbibigay ng mas matibay na pundasyon para sa pag-unlad ng lungsod.

Nagpahayag din siya ng kanyang pasasalamat at pagpapahalaga para sa dedikasyon ng mga magulang na sumuporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

“Dear Parents, I’d like to thank you for being here today and for giving me a chance. For giving this partnership a chance,” saad ni Mayor Lani para sa mga magulang na dumalo sa programa.

Si Ron Alvin Balbuena, isang 4th year student na kumukuha ng kursong Information Technology (IT) sa University of Makati at residente ng West Rembo, ay nagpahayag na ang scholarship program na inaalok sa kanila dati sa Makati ay may mga kinakailangang marka o grado.

“Kailangan po maabot mo ‘yung required grade lalo na sa major subjects,” wika ni Balbuena sa kanyang pahayag tungkol sa pag-aapply nito sa LANI Scholarship program dahil sa kagustuhan nitong mabawasan ang alalahanin ng kanyang mga magulang.

Dagdag pa niya na malaking tulong ito para sa maraming pamilya mula sa Embo barangays dahil hindi na magiging isipin pa ang araw-araw na panggastos ng mga estudyante sa paaralan.

Ang ina naman ni Balbuena na si Aling Susan ay nagpasalamat din dahil sa hindi na niya kailangang mag-alala tungkol sa mga kinakailangan ng kanyang anak sa paaralan.

“Minsan po hindi ko naibibigay sa kanya ang mga kailangan niya sa school. Ngayon hindi na po ako mamomroblema dahil sinagot na po ito ng LANI Scholarship. Maraming salamat po,” saad nito.

Samantala, si Jowei Reign Anastacio, residente ng Barangay Pembo, ay nagpahatid din ng kanyang pasasalamat kay Mayor Lani at sa lokal na pamahalaan ng Taguig dahil sa tulong na hatid ng scholarship program.

“Nung nalaman ko po na tumatanggap na po ang Taguig ng applicants from Embo barangays for LANI Scholarship, hindi po ako nagdalawang isip na mag-apply,” sabi ng 21-taong-gulang na si Anastacio, isa rin 4th year BS IT student.

Sinabi ni Anastacio na matagal na niyang alam ang tungkol sa nasabing scholarship program at ang mga benepisyo nito para sa mga estudyanteng katulad niya. Ito ay dahil may mga kaklase siyang benepisyaryo rin ng programa simula pa noong mga unang taon nito sa kolehiyo.

Para kay Mang Ronnie, tatay ni Jowei, ang scholarship grant ay naghatid ng dagdag na motibasyon sa kanyang anak upang makapagtapos ng pag-aaral at tuparin ang mga pangarap sa buhay.

“Blessed kami sa ibinigay niyo at napakalaking tulong sa aming gastusin para sa aming mga anak,” dagdag niya.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na mabibigyan ng pantay-pantay na oportunidad ang bawat estudyante sa pamamagitan ng pagsisiguro na ang LANI Scholarship program ay bukas para sa lahat.

Ang inisyatibong ito ay hindi lamang nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na nakararanas ng pinansiyal na kahirapan na makapag-kolehiyo, kundi makapagbibigay rin sa kanila ng pagkakataon na mabigyan ng sapat na atensyon ang kanilang pag-aaral at mga ekstra-kurikular na aktibidad nang hindi kinakailangang pasanin ang pagkakaroon ng part-time na trabaho.

Sa kasalukuyan, mahigit sa 83,000 na iskolar at 3,500 na mga lisensyadong propesyunal ang natulungan ng LANI Scholarship. Higit sa 50 sa kanila ang nakapasok sa top 10 sa kanilang mga pagsusulit sa kanilang larangan, kabilang na ang naging topnotcher sa licensure exam sa Registered Electrical Engineering Board, at ang pangalawang pwesto sa Criminology Board ngayong taon.

AUTHOR PROFILE