Taga-Cavite tiklo pagdating mula sa Japan sa NAIA
AGAD na inaresto ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Barbosa Police Station ng Manila Police District, ang isang papasok na pasahero mula sa Narita, Japan, pagdating sa Ninoy Aquino international Airport NAIA Terminal 3.
Base sa report ng Avsegroup ang pasahero na residente ng Alfonso, Cavite, ay pinaghahanap simula noong Enero 16, 2020, sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 43 sa Dagupan City.
Napag-alaman na ang pag-aresto sa suspect dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9262, na kilala bilang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Barbosa Police Station 14, kung saan sumasailalim ito sa karagdagang dokumentasyon at legal na pagproseso.
Nasa P24,000 ang inirekomendang piyansa ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng naturang akusado.
Agad pinapurihan ni PBGen. Christopher N. Abrahano, direktor ng Avsegroup, ang mga pagsisikap ng mga operatiba at tauhan nito na nagsagawa ng operasyon at ito ay sumasalamin sa kanilang walang tigil na pangako sa pagtataguyod ng batas at pagprotekta sa ating mga mamamayan. Ni JOSEPH MUEGO