Tablet para sa online class tinangay

November 27, 2021 Francis Naguit 164 views

HINDI nakaligtas sa pananalisi ang tablet na gamit sa online class ng isang 27-anyos na dalaga nang masalisihan ng kapitbahay na kawatan sa Tondo, Manila, hapon nitong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si Michael Mercullo y Catalo, 21 anyos, binata, tambay, ng 206 Building B Sambayanan Moriones, Kagitingan St., Bgy. 43, Tondo.

Base sa ulat na isinumiti ni PCpl. Fhillip De Guzman kay PLt. Col. Magno Gallora Jr., Commander ng Manila Police District Station 2, bandang 4 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay sa 207 Building B sa Sambayanan, Moriones, Tondo.

Ayon sa salaysay ng biktimang si Rema Dee Sab, cashier, dalaga, ng nasabing lugar, papunta sana ito sa Imus, Cavite nang mapunang nawawala ang kanyang kulay green na Tecno LCD na nagkakahalagang P7,000 na gamit umano nito sa kanyang online classes.

Gayunman, isang 22-anyos na dalaga na katabing unit ng biktima ang nagnguso sa pagkakakilanlan sa kapitbahay nilang kawatan.

Dahil dito, agad silang nagtungo sa kanilang barangay at agad namang umaksyon sina Jeffrey Reyes, 41, Barangay Tanod, at si Roberto Platilla, 48, EX-O, kapwa sa Bgy. 43 sa Tondo.

Hindi naman umano nabawi ang tablet ng biktima.

Matapos ma-blotter sa barangay, dinala si Mercullo sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center para isailalim sa medical checkup, saka nila ito itinurn over sa presinto. Francis Naguit & Jon-Jon Reyes

AUTHOR PROFILE