
Tabi, tabi po…
HINDI ko alam kung saan nagsimula ang mga pamahiin nating mga Pinoy na kasama sa mga naging gawi natin mula pa noong panahon ng martilyong bato hanggang ngayong automated hammer na ang gamit ng iba.
May mga taong huwag na huwag mong uutangan sa gabi kasi makakarinig ka ng kung anu-anong ritual o sermon na hinukay pa sa balon ng kanyang lola. Pag minalas-malas ka’t nakatiyempong mainit pa ang ulo, baka may kidlat at sumpa pang kasama!
Kahanay ng mga taong ayaw magpautang o magpabale ng gabi ay iyong mga kabarkada nitong ayaw din magpabale o magpautang sa umagang-umaga.
Kapag Lunes, naku po, maghahalo ang balat sa tinalupan kapag sinubukan mong bumale, maningil, mangutang o humingi ng pera sa mga taong naniniwala sa “Monday signus” or isinilang sa henerasyon ng tabi-tabi po!
Ang paniwala kasi nila, kapag nagpautang ka ng gabi, mamalasin ka, kapag naglabas ka ng pera ng Monday, tuluy-tuloy na ang labas ng pera sa buong isang linggo, kapag naglabas ka naman ng pera ng umagang-umaga, sira na ang iyong maghapon.
Madalas kong mapagsabihan ang aking esposa sa kanyang mga paniniwalang ito na magkasalungat kami. Kaya iyong mga gumagawa sa amin, o iyong mga kasama namin sa bahay, parang hindi mapaanak na pusa kapag may kailangang pera. Hindi sila makapagsabi kay misis dahil nga parang matanda sa una sa paniniwala sa paglalabas ng pera.
Madalas, sa akin na sila nagsasabi na babale, uutang, or hihingi ng pera kapag natapat sa mga “ora de peligro” na gabi, umagang-umaga or Lunes na Lunes. Pero titiyakin nilang hindi naririnig ng may bahay.
Una, wala kasi akong ganoong paniniwala kahit minsan. Ang pamantayan ko lang sa paglalabas ng pera ay batay sa pangangailangan. Karaniwan, sa construction ay Miyerkules lang puwedeng bumale. Iyong iba naman kasi, ipinaglihi sa bale, kahit kakasuweldo lang, gusto nang balehin ang kikitain sa susunod linggo.
Ang katwiran ko lang palagi, pera naman na ng manggagawa iyon kaya kahit kunin niya na nang mas maaga, walang problema. Sagad-sagaran nga lang kung mag-cash advance ang iba kaya talagang isusumpa ng mga taong mapamahiin sa pera.
Ang mabigat kasi sa mga malakas bumale, sila rin iyong ipinaglihi sa absent! Sila rin iyong parang nasapian ng “sumpa ng masantol” o masandal, tulog!
Madalas kaming hindi magkasundo ng aking misis sa usapin ng bale ng mga tao pero sa bandang huli, nanaig pa rin ang gusto ko, lalo na sa mga emergency cases ng pangangailangan ng pera.
Ang mahirap lang kasi sa masiba sa cash advance, mukhang kaawa-awa sa araw ng suweldo kasi wala nang natira sa kanya kaya ang ending, sa mismong pay day, babalehan ka na naman!
Kaya nga hindi mo rin minsan masisi ang aking misis at ang mga katulad niyang mapahiin dahil nga sa ganitong klase ng manggagawa na inaabuso ang bale.
Sa bandang huli, kumbinasyon ng pamahiin at kontra-abuso sa pera ng mga taong wala sa tiyempo ang dahilan kung bakit may mga taong mahigpit sa pagpapabale, pagbabayad at pagpapautang.
Pero ang totoo, walang malas at walang buwenas sa paglalabas ng pera kahit anong oras para sa mga totoong nangangailangan.
Sabi nga ng mga matatanda, ang bukas-palad sa biyaya at mapagparaya ay palaging nakakatamasa.