Taas pasahe sa barko idinaing

December 11, 2022 People's Tonight 116 views

NANAWAGAN ng tulong ang mga pasahero ng barko sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na bigyan ng pansin ang pagtaas ng pasahe na ipinatupad ng mga kompanya ng barko sa bansa.

Ito ang hinaing ng mga pasahero na dumaraan sa Batangas Port lalo na yung mga patungong lalawigan ng Oriental Mindoro ngayong panahon ng kapaskuhan.

Napag-alaman na mayroong mga pasahero na kamuntik na umano hindi makasakay ng barko dahil sa taas ng pasahe na ipinatupad ng mga barko.

Nabatid na mula P468 ay naging P528 o 12.82% ang itinaas sa pasahe na ipinatupad ng isang barko habang mula P450 ay umabot sa P530 o 17.77% naman ang isa pang barko.

“Hindi lang mga pasahero ng tren, dyip at bus ang nahihirapan sa taas-pasahe. Marami rin kaming pasahero ng barko na inaabuso ng mga shippinglines kaya marapat lamang na tulungan din kami ng gobyerno”, hinaing ng isang pasahero na tumangging ilathala ang pangalan.

Pihadong tumaas din ang presyo ng mga paninda dahil kasama sa nasabing taas-pasahe ang mga tinatawag na rolling cargo o yung mga trak kung saan sakay ang mga produktong ibebenta sa mga pamilihan.

Mahigpit ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ibaba ang gastos sa pagbiyahe ng taumbayan pero sa kabila nito ay hinahayaan lang umano ng DOTr at MARINA na magtaas ng pasahe ang mga barko ng walang pakundangan.

AUTHOR PROFILE