Taal Source: Facebook

TAAL VOLCANO SUMABOG NA!

June 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 379 views

Lava flow umabot

SUMABOG na ang Taal Volcano sa Batangas nitong Miyerkules ng tanghali.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang phreatic eruption ng bulkan ay naitala dakong 12:54 ng tanghali at nagtagal ng dalawang minuto.

Nagbuga din ang bulkan ng puting usok at abo na umabot sa 820 talampakan o 250 metro ang taas.

Paliwanag ni Phivolcs director Teresito Bacolcol, ang nangyaring pagputok ng bulkan ay maituturing na phreatic burst.

Nangyayari umano ito kapag ang mainit na bagay ay madidikit sa tubig na lumilikha ng pagsingaw.

“This happens when a hot material comes into contact with water, producing steam,” pahayag ni Bacolcol.

Mahina lang din aniya ang pagputok ng bulkan kung kaya’t hindi na kailangan pang ilikas ang mga residenteng nasa permanent danger zone.

“The burst was just low and only 250 meters. It’s just over its crater so there is no need to evacuate people living beyond the permanent danger zone,” dagdag ng opisyal.

Samantala umabot na sa dalawang kilomentro ang pagdaloy ng lava mula sa crater ng Bulkang Mayon sa Albay.

Sa bulletin na inilabas ng Phivolcs, umabot na ang mabagal na pagdaloy ng lava sa Mi-isi gully mula 1.6 kilometro nitong Miyerkules sa 2.1 kilometro nitong Huwebes.

Lumawig narin ang daloy nito sa bonga gully mula 1.2 kilometro sa 1.3 kilometro.

Nanatili namang nasa alert level 3 ang paligid ng Mayon na nangangahulugan na mataas ang antas ng paga-alburuto ng bulkan.

“Alert Level 3 is maintained over Mayon Volcano, which means that it is currently in a relatively high level of unrest as magma is at the crater and hazardous eruption within weeks or even days is possible,” pahayag ng Phivolcs.

“It is therefore recommended that the 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) be evacuated due to the danger of PDCs, lava flows, rockfalls, and other volcanic hazards,” dagdag ng ahensya.

Sa loob ng 24- oras, nakapagtala ang Phivolcs ng 296 rockfall events, pitong dome-collapse pyroclastic density current events, at dalawang lava front collapse pyroclastic density current events sa bulkan.

Nagbuga rin ito ng 595 tonnes ng sulfur dioxide (SO2) nitong Miyerkules.

“Increased vigilance against pyroclastic density currents, lahars, and sediment-laden streamflows along channels draining the edifice is also advised,” paliwanag ng Phivolcs.

Kaugnay nito, nagbabala ang Phivolcs na maaaring magresulta ang malakas na ulan ng channel-confined lahars at sediment-laden streamflows.

Bawal pa rin ang pagpapalipad ng anomang aircraft malapit sa summit ng bulkan.