Taal Nabulabog ang buong ng Batangas matapos sumabog ulit ang bulkang Taal at nagbuga ng makapal na usok na may kasamang abo batay sa isang kuha ng isang netizen mula sa Bgy. Lumanglipa, Mataas na Kahoy pasado alas-8:20 umaga, araw ng Sabado. Agad namang itinaas ang status Alert Level 3, kaya pinapayuhan ang mga nasa karatig lugar na lumikas sa kanilang mga tirahan. Kuha ni Jon-jon Reyes

Taal Volcano nasa Alert Level 3 dulot ng pagsabog

March 26, 2022 Jun I. Legaspi 443 views

MABILIS na inilagay sa “heightened alert” ang District Southern Tagalog, sa utos ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Artemio Abu, kasabay ng muling pag-a-alboroto ng Bulkang Taal Sabado, Marso 26, 2022.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), itinaas sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang estado ng Bulkang Taal matapos ma-monitor ang “short-lived phreatomagmatic burst” na sinundan ng “phreatomagmatic activity.”

“Taal Volcano Main Crater generated a short-lived phreatomagmatic burst which was followed by a nearly continuous phreatomagmatic activity that generated plumes 1500 m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals,” paliwanag ng Phivolcs.

Kasunod nito, agad na nag-dispatch ng isang deployable response group (DRG) ang PCG Station Batangas para mabantayan ang sitwasyon at mga susunod pang aktibidad ng Bulkang Taal.

Samantala, ipinag-utos rin ni CG Admiral Abu ang pagpapatrolya ng PCG Sub-Station Talisay at PCG Sub-Station San Nicolas para magpatupad ng “force evacuation” sa lahat ng mga mangingisda at fish cage workers sa katubigan ng Taal Volcano Island.

Naka-antabay na rin ang dalawang PCG trucks sa Batangas para makatulong sa paglikas ng mga apektadong residente. Nina Jun I. Legaspi at Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE