
Taal Volcano bumubuga na ng 2,400 metro na usok
UMABOT na sa 2,400 metro ang taas ng ibinubugang makapal na usok ng Bulkang Taal sa Batangas.
Sa update na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Lunes ng umaga, ang malakas na singaw na lumalabas sa bulkang taal ay napadpad sa direksyon ng Kaluran-hilagang kanluran at Hilagang Kanluran.
Nakapagtala din ng anim na volcanic earthquakes na nagtagal ng apat na minuto sa loob ng 24 oras.
Naglabas din ang bulkan ng 9,623 tonelada ng sulfur dioxide kung saan kapansin-pansin ang pagkakaroon ng upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake.
Namamaga din ang kanlurang bahagi ng bulkan at nagkaroon na rin ito ng pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera.
Bagamat nanatili sa Alert level 1 ang Bulkang Taal, posible pa rin ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions na maaaring magdulot na ashfall at nakalalasong gas.
Nanatiling bawal ang pagpasok at pagsasagawa ng anomang aktibidad sa itinalagang permanent danger zone partikular na sa main crater at daang kastila fissures ng bulkan.