Monster

Sylvia, Ria at LT, sanib-pwersa sa ‘Monster’

September 20, 2023 Ian F. Fariñas 199 views

NAGSAMA-SAMA sina Sylvia Sanchez, Ria Atayde at Lorna Tolentino sa kauna-unahang pagkakataon para sa nalalapit na showing sa Pilipinas ng internationally acclaimed Japanese drama na Monster sa Oktubre 11.

Nagsimula ang partnership nina Sylvia at Ria ng Nathan Studios at ni Lorna nu’ng summer nang sama- sama silang bumiyahe sa Cannes Film Festival sa France para sa espesyal na screening ng Topakk na pinagbibidahan ni Arjo Atayde sa direksyon ni Richard Somes.

Maliban sa screening ng Topakk sa Cannes, nag-sosyo ang Nathan Studios at si Lorna sa pagbili ng mga pelikulang iri-release for theatrical showing dito sa Pilipinas.

Sa direksyon ng multi-awarded direktor na si Hirokazu Kore-eda, tampok sa Monster ang mahusay na Japanese actors gaya nina Sakura Ando, Eita Nagayama, Soya Kurokawa, Hinata Hiiragi at Yuko Tanaka.

Umiikot ang istorya nito sa isang pamilya na nahaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully. Isinusulong din nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.

“Kakaiba itong pelikulang ito,” ayon kay Sylvia, na kilala para sa kanyang powerful performances bilang isang ina sa pelikula at telebisyon. “Mahilig akong manood ng pelikula at sa dinami-rami ng aking napanood, isa itong Monster sa talaga namang dumurog nang todo sa puso ko bilang isang ina.”

Ayon naman kay Ria, tumatayong presidente at CEO ng Nathan Studios, isa ang Monster sa mga pelikulang angkop sa personalidad at mission-vision ng kanilang kumpanya. “We are really aspiring and working very hard to offer cutting edge content that would challenge the minds and touch the hearts of viewers,” aniya.

Ang Nathan Studios din ang nasa likod ng mga de-kalidad na proyektong tulad ng Cattleya Killer na streaming sa Amazon Prime Video, at Topakk, isang action-thriller genre film na kasalukuyang umiikot sa iba’t ibang prestihiyosong international film festivals sa Switzerland, Japan at Amerika.

Para naman kay Lorna, mahalaga at napapanahon ang mensahe ng Monster.

“Dapat talagang ma-address natin ang laban sa bullying at ang pagpapalaganap ng malusog na pag-iisip para sa lahat ng tao, bata man o matanda,” anang Grand Slam Actress.

Aminado ang tatlo na malaki ang naging epekto sa kanila ng Monster dahil pinukaw at dinurog nito ang kanilang mga puso.

“Isa na ito sa pinakamagandang pelikula na napanood ko. Mapapaisip ka talaga kung sino ba talaga ang Monster,” ani Sylvia.

Bilang mga ina, nagkakaisa sina Sylvia at Lorna na karapat-dapat panoorin ng Pilipino ang pelikula dahil sa mga aral na matututunan dito gaya ng pagmamahal sa anak at pagpapahalaga sa pamilya.

Para naman kay Ria, matindi ang kurot nito sa puso bilang anak na may sariling mga pangarap at mithiin sa buhay.

“Iba ang pagmamahalan ng isang ina at ng kanyang anak. Malalim ito at napakasakit kung ito ay mawawasak,” aniya.

Nagkakaisa rin sila na major shocker ang ending ng movie matapos yanigin ang buong mundo sa husay ng storytelling at acting nito.

Ang Monster ay lumaban para sa Palm d’Or sa katatapos na 76th Cannes Film Festival at pinarangalan ng Best Screenplay award.

Ngayon pa ang, naghahanda na ang Nathan Studios, kasama ang partner nitong 888 Films International, para sa red carpet celebrity screening. Ipapalabas ito sa mga sinehan nationwide simula Oktubre 11.

AUTHOR PROFILE