Guinto Si Atty. Clarence V. Guinto Director ng LTO-LES at LTO-NCR-West director, habang nagbibigay ng paliwanag kaugnay sa insidente ng pagbundol sa isang security guard sa Mandaluyong kamakailan. Kuha ni Jun I. Legaspi

SUV owner hindi sumipot sa LTO

June 10, 2022 Jun I. Legaspi 263 views

HINDI nagpakita sa pangalawang pagkakataon ang nakarehistrong may-ari ng puting SUV na bumundol at sumagasa sa isang security traffic enforcer na ikinasugat nito ng malubha, Linggo.

Sa press conference sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) compound Biyernes ng hapon sinabi ni Atty. Clarence V. Guinto, director ng Land Transportation Office-Law Enforcement Service (LTO-LES) at concurrent director ng LTO-National Capital Region-West (LTO-NCR-West), matapos ang “deadline” na ibinigay nila nitong Biyernes, Hunyo 10, 2022 hanggang 1:00 p.m., nagpasya ang investgation team na gagawa ng “resolution” at recommendation na ibibigay kay Assistant Secretary Edgar Galvante kaugnay sa insidente.

“Pag-uusapan ng investigation team kung ano ang dapat saka ito ipapadala kay Asec. Galvante para sa final decision,” saad ni Guinto.

Ayon kay Guinto, hihimaying mabuti ng probe team ang lahat ng aspeto ng insidente upang mailapat ng tama at may ipataw ang pinakamataas na parusa ayon sa batas na umiiral, kasong administratibo man ito o kriminal.

Matatandaan noong Martes, Hunyo 7, 2022, na may palugit hanggang 1:00 p.m., ay hindi rin sinipot ng “registered owner” ng SUV ang unang show cause order (SCO) na inisyu ng LTO.

Dahil dito, muling nag-isyu ng pangalawang SCO ang LTO at binigyan ng ultimatum na kung hindi pa rin darating ay gagawa na ng “final recommendation” ang probe team kaugnay sa nasabing insidente.

Ang nasabing insidente ay naging “viral” sa social media matapos makita sa video na binundol saka ginulungan ng puting SUV ang isang security guard habang nagmamando ng traffic sa Mandaluyong City.

Ayon naman sa pamunuan ng security agency na pinapasukan ng biktima, nakalabas na ito ng ospital.

AUTHOR PROFILE