QCPD

Suspending pulis, misis tiklo sa pagpuslit ng 8 mountain bikes

August 8, 2024 Melnie Ragasa-limena 180 views

NAARESTO na ng pulisya ang suspendidong pulis at ang misis nito na tinuturong nagpuslit ng walong mountain bike na donasyon ng Quezon City government sa pulisya sa San Juan City nitong Miyerkules.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Redrico Maranan, sa isang mensahe sa Viber, nahuli ang pulis at ang kanyang asawa sa tahanan ng mga ito sa Brgy. Corazon De Jesus, San Juan City.

Ang pulis, na may ranggong corporal, ay dating miyembro ng district tactical motorized unit ng Quezon City Police District (QCPD).

Nasuspinde siya ng anim na buwan mula Hulyo 16, 2024 hanggang Enero 11, 2025 dahil sa isang paglabag sa administratibo.

Nadiskubre ang pagnanakaw sa QCPD headquarters sa Barangay Botocan noong Biyernes, Agosto 2 bandang 6:30 ng umaga.

Nagsasagawa umano ng inspeksyon ang mga opisyal ng pulisya sa mga bisikleta na inisyu ng Quezon City government sa QCPD nang mapansin nilang walong bisikleta ang nawawala.

Sa sumunod na imbestigasyon, nadiskubre na ang ilang nawawalang mga bisikleta ay ibinebenta sa Facebook Market sa halagang P3,000 bawat isa.

Nang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nagbebenta, sinabi nitong binili niya ang mga bisikleta sa pulis sa halagang P24,000, na inihatid sa kanya kasama ang asawa nito.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa sa nasabing pulis at asawa nito.