Default Thumbnail

Suspendidong parak, jowa wanted sa pagnenok ng 8 bikes

August 6, 2024 People's Tonight 67 views

PINAGHAHANAP ng mga pulis ang suspendidong pulis at misis nito makaraan umanong nakawin at ibenta sa Marketplace ang walong mountain bike na inisyu ng Quezon City government sa Quezon City Police District (QCPD).

Nadiskubre ang pagnanakaw sa QCPD headquarters sa Brgy. Botocan noong Agosto 2 bandang alas-6:30 ng umaga.

Nagsasagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng pulisya sa mga bisikleta nang mapansin nilang walong bisikleta ang nawawala.

Sa sumunod na imbestigasyon, nadiskubre na ang ilang nawawalang mga bisikleta ibinebenta sa FB Marketplace ng P3,000 bawat isa.

Nang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nagbebenta, sinabi nitong binili niya ang mga bisikleta sa pulis sa halagang P24,000 at inihatid sa kanya kasama ang kanyang asawa.

Ang pulis, na may ranggong corporal, dating miyembro ng district tactical motorized unit ng QCPD.

Inutos ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan ang manhunt laban sa pulis at misis niya makaraang magreklamo ang walong pulis na nawalan ng inisyung mountain bikes para sa kanilang pagpapatrol.

Nasuspinde ang pulis ng anim na buwan mula Hulyo 16, 2024 hanggang Enero 11, 2025 dahil sa administrative violation.

AUTHOR PROFILE