Default Thumbnail

Suspek tiklo sa pandurukot sa estudyante sa dyip

February 9, 2023 Jonjon Reyes 513 views

LASLAS ang bag ng isang 20-anyos na estudyante ng Centro Escolar University (CEU) mula sa “matinik” na mandurukot sa loob ng pampasaherong jeep, habang nakasakay sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue sa Maynila.

Nang mapansin na laslas ang sling bag ng babaeng estudyante, agad itong nagtungo sa Manila Police District (MPD) University Belt Area Police Community Precinct (UBA) para isumbong ang indente.

Agad namang kumilos at nagsagawa ng follow-up operation ang mga kapulisan para sa agarang pag-aresto sa kawatan.

Namataan ang 47-anyos na suspek, ng Dasmariñas, Cavite, na papatakas at nakasakay na sa pampasaherong van.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Roberto Mupas, commander ng MPD Barbosa Police Station 14, pasado alas 4:25 ng hapon, Miyerkules ng maganap ang nasabing insidente sa loob ng pampasaherong jeep sa nasabing lugar.

Nabigla ang biktima matapos makitang laslas na ang bag nito at nawawala na ang kanyang iPhone 6S Plus na may halagang P20,000.

Sa isinagawang manhunt operation nina PCMS Mark Anthony Rivera kasama ang ilang tauhan ng UBA-PCP ay nasundan nila ang suspek patungong Mandaluyong City.

Dakong 7:05 ng gabi, pagsapit sa Sultan Street sa Mandaluyong, nakilala ng biktima ang lalaki na kanyang nakatabi sa pampasaherong jeep, kaya agad nila itong sinita at nakuha sa suspek ang cellphone ng estudyante.

AUTHOR PROFILE