
Suspek sa rape ng bata huli matapos 6 na taon
NATIMBOG ng mga pulis sa Caloocan City noong Biyernes ang isang suspek sa panghahalay ng menor-de edad sa Samar na nagtago ng mahigit anim na taon, ayon sa Northern Police District (NPD).
Ayon kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, umeskapo sa kanilang lalawigan sa Samar ang 25-anyos na suspek na si alyas “Rodolfo” nang matuklasang lumabas na ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay sa kasong panggagahasa sa menor-de-edad na dalagita.
Nang makatanggap ng impormasyon si P/Lt. Louie Gorgonia, hepe ng San Policarpio Municipal Police Station sa Eastern Samar na sa Caloocan City madalas mamataan ang akusado, kaagad silang nakipag-ugnayan sa NPD.
Dahil dito, agad na inatasan ni Gapas sina P/Col Alex Daniel, hepe ng District Intelligence Division (DID) at P/Lt. Armando Pandeagua, Jr. ng District Special Operation Unit (DSOU) na tugisin ang akusado.
Dakong ala-1 ng hapon nang tuluyang maaresto ng pulisya sa C-3 Road, Brgy. 14 ang akusado.
Nakakulong ngayon sa custodial facility ng NPD ang suspek.