Suspek sa pamamaril arestado ng MPD Stn. 1

October 4, 2021 Francis Naguit 262 views

NAARESTO sa isang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 1 ang suspek sa isang pamamaril sa Tondo,Maynila.

Ayon kay MPD PIO Capt Philipp Ines, kinilala ang biktima na si Rasel Robles , 22, nakatira sa 782 Kagandahan St., Gagalangin, Tondo, Manila.

Nangyari ang pamamaril sa biktima Sabado ng hapon sa kahabaan ng Benita St., Gagalangin, Tondo.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na nakatanggap ng tawag ang biktima mula sa suspek na nakilalang si Dennis Luterio, 40, nakatira sa Benita St., Gagalangin, at Rolito De Guzman,34, na nakatira sa Dagupan Ext., Gagalangin.

Magkikita umano ang biktima at mga suspek sa Pagasa St. Gagalangin para sa illegal na drug transaction.

Pagsapit sa lugar,nilapitan ang biktima ni Rolito at habang sila ay naglalakad, sumulpot si Dennis sa harapan ng biktima at pinagbabaril umano ito.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek habang ang biktima idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Tondo.

Si Rolito ay naaresto sa follow-up operation habang patuloy na tinutugis ng pulisya si Dennis.

Nakakulong na ang suspek na si Rolito sa himpilan ng MPD Stn.1 habang inaantay pa ang pagsasampa laban dito ng kasong murder. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE