
Suspek sa pagbaril sa empleyado ng Office of the Ombudsman naaresto
NAARESTO na ng pulisya ang suspek na bumaril sa isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman sa Quezon City, noong Pebrero 2 ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Marlon Ayuo Nery, 47, may live in partner, at residente ng 151 Susano Road, Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 9:20 a.m. (Pebrero 6) nang maaresto ng suspek sa kaniyang tahanan sa Novaliches.
Ayon kay QCPD Director, Police Brigadier General Nicolas D Torre III, naaresto ang suspek sa patuloy na follow-up operation ng kaniyang mga operatiba kaugnay sa pagbaril kay Diane Jane Pagurigan, 37, Admin Aide VI Office of the Ombusman noong Pebrero 2, bandang 8:20 a.m. sa tapat ng RCBC Bank sa Quezon Avenue malapit sa kanto ng Cordillera St. sa lungsod.
Sa tulong umano ng CCTV footages na nakunan ng MMDA at barangays ay namukhaan ang suspek at natunton ang pinagtataguan nito.
Nakunan sa CCTV na tila sadyang inabangan ng suspek ang biktima at nang makita ito ay nagmamadaling nilapitan at biglang inagaw ang bag nito, saka binaril bago tumakas.
Nakumpiska mula sa supek ang iba’t ibang uri ng baril, mga bala, cellphones, at isang Honda TMX color gray.
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye ang suspek kung ang pamamaril ay kaniyang sinadya o ang motibo lamang nito ay holdapin ang biktima.
Patuloy pang inoobserbahan ang biktima sa ospital.