Suspek sa droga nahulihan ng baril habang nagsusugal

January 18, 2022 Edd Reyes 198 views

BALIK sa kulungan ang 47-anyos na mekaniko na may kinakaharap na kasong may kaugnayan sa ilegal na droga matapos mahulihan ng baril habang nagsusugal ng cara y cruz Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col Albert Barot ang suspek na si Federico Reyes, Jr., residente ng Blk 12-B, Lot 1, Phase 2, Area 3, Brgy. Longos na dati ng naaresto, kasama ang limang lalaki, habang nakikipag-transaksiyon ng ilegal na droga noong Marso 11, 2019 sa Brgy. Longos.

Ayon kay P/Lt. Mark Xyrus Santos, OIC ng Longos Police Sub-Station 5, nakatanggap sila ng tawag hinggil sa nagaganap na ilegal na sugal sa Block 12, Labahita St. sa naturang barangay din dakong alas-12:15 ng madaling araw kaya’t iniutos niya sa mga tauhan na puntahan ang lugar upang alamin ang katotohanan sa natanggap na tawag.

Pagdating ng mga operatiba ng Sub-Station 5 sa lugar, nakita nila ang nagaganap na pagsusugal ng cara y cruz ng ilang mga kalalakihan subalit bago pa sila makalapit ay nagpulasan na ang mga ito patungo sa iba’t-ibang direksiyon kaya’t hinabol sila ng mga pulis hanggang masakote si Reyes.

Nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang kalibre .38 baril na may lamang dalawang bala.

Kasong pagpabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na may kaugnayan sa Batas Pambansa Bilang 881 o ang Omnibus Election Code of the Philippines at paglabag sa PD 1602 o illegal gambling ang kinakaharap ngayon ng suspek.

AUTHOR PROFILE