Posas

Suspek na lider ng hold up gang tiklo

February 26, 2024 Edd Reyes 88 views

NATIMBOG ng pulisya ang umano’y lider ng gang na sangkot sa panghoholdap sa vape shop sa Valenzuela City noong Linggo sa Pasig City.

Sa bisa ng warrant of arrest, dinakip ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura, Jr. si alyas Llamas sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Si Llamas at isa pang akusado ang umarkila ng sasakyan nang holdapin ang vape shop sa Del Rosario St., Brgy Marulas noong Dec 5, 2023. Umaabot sa P2.4 milyon na cash at mga produkto ang nalimas sa vape shop.

Naaresto agad sina alyas Hermoso, 37, alyas Gascon, 38, at alyas Fresto, 32, matapos matunton ng mga pulis at nabawi ang P304,800 halaga ng produkto.

Itinuro nila sa Llamas na umano’y may pakana sa panloloob na naging daan para maglabas ng arrest warrant ang hukuman laban sa kanya.

Ayon kay Col. Destura, ang grupo rin ng mga akusado ang itinuturong nangholdap sa isa pang vape shop sa Sta. Ana, Maynila at tumangay sa P1.8 milyong halaga ng produkto at salapi noong Agosto 2023.

AUTHOR PROFILE