
Suspek na ‘kawatan’ sa palengke, binaunan ng bala
DEAD on the spot ang isang lalaki na napagbintangan na nagnakaw umano sa Commonwealth Market matapos barilin diumano ng security officer ng nasabing palengke nitong Martes ng gabi.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), inaresto ang suspek, 25, bandang alas-4 ng hapon ng Hunyo 27 matapos itong ituro na nagnanakaw sa naturang palengke.
Agad siyang dinala sa administration office ng nasabing palengke habang hinihintay ang complainant sa kasong kinasangkutan niya.
Ayon kay Market Investigator Sheryl Rose Datuwata, kasalukuyan umano niyang inihahanda ang release paper ng suspek bandang alas-7 ng gabi dahil wala naman umanong sumipot para sampahan siya ng kaso nang makarinig siya ng putok ng baril na nanggagaling sa puwesto ng suspek.
Duguan na umano ang suspek at nakasubsob na sa sahig habang nakita umano niya na nagmamadaling umalis diumano ang isa sa mga security officer na humuli rito bitbit umano ang isang baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.