Suporta para kay Gen. Eleazar at ayuda pa sa mga Pinoy

April 4, 2022 Paul M. Gutierrez 505 views

PaulKAHIT nag-iisa sa kanyang kampanya, natutuwa naman tayo, kasama ang talaksan nating mga kababayan sa inaaning suporta sa kanyang kandidatura bilang senador ni ex-PNP Chief Gen. Guillermo ‘Guilor’ Eleazar—numero 23 sa balota.

Dangan nga kasi, buong bansa ang nakinabang sa kanyang mahusay na paglilingkod bilang lider ng ating pambansang pulisya at bilang isang matino at propesyunal na pulis na umabot ng lampas 3 dekada bago siya nagretiro noong Nobyembre 2021—patunay ang patuloy na mataas na kredibilidad ng PNP hanggang ngayon kahit wala na siya sa puwesto.

Hindi tuloy nakapagtataka na sa kanyang pagbisita halimbawa sa Leyte kamakailan, walang atubili ang ginawang pag-endorso sa kanya ng mga lokal na lider doon.

Kabilang sa kaniyang mga pinuntahan at sumalubong sa kaniya sina Leyte Gov. Leopoldo Dominico Petilla, Ormoc City Mayor Richard Gomez, at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.

‘Welcome’ din siya sa kampo ng kalaban ng mga ito sa pulitika katulad ni dating dating energy chief Jericho Petilla at ang kaniyang asawa na si Palo Mayor Ann Petilla. At bakit naman hindi, samantalang sila mismo ang mga “saksi” sa naging serbisyo ni Eleazar kung saan ang lahat ay pantay-pantay sa kanyang pagtrato at wala siyang kinampihan. Kung ano ang “tama,” yung lang ang kanyang ginawa kaya, sino ba ang magagawang magalit sa kanya?

Kabilang sa ibinida ni Eleazar ang pagdidisiplina at pagpaparusa sa mga abusado, pagpapatuloy ng laban kontra droga at paglaban sa insurhensiya na aniya pa’y puwedeng iwasan ang ‘red-tagging.’

Sa kanyang mahabang karanasan, makikita natin na alam ni Eleazar ang pang-araw-araw na problemang kinakaharap ng mga Pilipino pagdating sa kriminalidad.

Nariyan ang mga mapang-abusong pulis, enforcer at ibang nasa awtoridad na talaga namang malaking perwisyo sa mga mamamayan.

At dahil alam niya ang problema, alam niya ang tamang solusyon na “akma” sa kanyang slogan na ‘SIGA’—sipat at galing— mga katangian na dadalhin niya sa Senado sa tulong nating lahat, siyempre!

Bago ang pag-iikot sa Leyte, nag-sortie rin si Eleazar sa Iloilo at mga karatig-lugar kung saan, katulad sa iba pang mga lugar, mainit din ang naging pagtanggap sa kanya ng mga lokal na lider at ng mga Ilonggo.

Sa ganang atin pa, “dapat” lang talagang magbuhos ng panahon si Gen. Eleazar sa iba pang panig ng bansa upang ihatid ang kanyang mensahe na totoong paglilingkod sa bayan dahil sa kanyang pinanggalingan, ang Southern Tagalog, aba’y “tolonges” lang ang hindi boboto sa kanya, sabihin pa!

Labindalawa ang iboboto nating senador ngayong halalan, mga kabayan at hindi “kalabisan” bagkus, malaking panalo para sa lahat kung hindi ninyo aalisin ang numero ‘23’ sa inyong balota sa hanay ng mga senador. Sigurado tayo dyan!

***

Ang isa pang “sigurado” tayo na magbibigay na kaluwagan sa ating lahat ay ang panawagan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na ‘mandatory five percent savings’ sa badyet ng lahat ng ahensiya ng gobyerno upang agarang mabigyan ng P10,000 ayuda ang may 20 milyon mga Pilipino na tinatawag nating ‘poorest of the poor.’

Noong Huwebes, Marso 31, 2022, pormal na inihain ni Cayetano sa Kongreso ang HB 10832 o Mandatory Savings Act na naglalayong magtabi ng hindi bababa sa limang porsiyento na savings ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno para makalikom ng P250 bilyong piso na pang ayuda sa mga mahihirap. Si Cayetano ay nagbabalak din na muling makabalik sa Senado sa darating na eleksyon higit isang buwan mula ngayon.

Kabilang sa mga may akda ng naturang panukala ay sina Congreswoman Lani Cayetano, Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte, Batangas Rep. Raneo Abu, at Laguna Rep. Dan Fernandez. Layon ng panukala makalap ang nasabing halaga sa pamamagitan ng pagtanggal (pansamantala) sa mga aktibidad at programa na hindi importante sa kanilang operasyon.

Sabi pa nga ng mga miron, “malaking tama” at napapanahon ang panawagan ni Cayetano at ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso.

Marami naman talagang nasasayang na pera sa gobyerno dahil sa mga proyekto o programa na hindi naman urgent o konti lang ang nakikinabang.

Sa totoo lang, sobra sobra pa nga ang P250 bilyon na malilikom mula sa hakbang na ito. Maliban sa mabibigyan ng tig-P10k ayuda ang bawat isa sa 20 milyong pamilyang Pilipino, magkakaroon pa ng flexibility ang gobyerno na gamitin ang matitirang P50 bilyon sa ibang sektor na pinadapa rin ng pandemya, katulad ng transportasyon, agrikultura, kalusugan, mga senior citizen at mga maliliit na negosyo.

Aniya pa nga hindi ‘doleout’ ang P10k ayuda sa mga mahihirap dahil kung gagamitin ng maayos, ito ay puwedeng puhunan para sa maliliit (‘micro’) na mga negosyo.

Kumbaga, “puwede” na itong “pang-ahon” ng mga kababayan nating hanggang ngayon ay di pa nakakabawi sa delubyong idinulot ng pandemyang COVID-19.

Sa pag-aaral ni Cayetano, lumabas na sumadsad ng 9.5 porsiyento ang ating ekkonomiya at sumirit paitaas sa 17.7 porsiyento ang bilang ng mga nawalan ng trabaho.

Katumbas ito ng 7.3 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho, ang pinakamataas na bilang sa loob ng 15 taon.

“Simple” lang naman ang nais ni Cayetano: Ang patuloy na matulungan ang ating mga kababayan na hirap pa hanggang sa ngayon.

Oh, baka naman may “kumontra” pa dito eh, “grabe” na kayo, mga bosing!

Abangan!

AUTHOR PROFILE