Sunshine

Sunshine, umiwas sa isyu ng third party

February 5, 2023 Vinia Vivar 353 views

Inamin ni Sunshine Cruz na isa sa naging malaking parte ng paghihiwalay nila ng ex-husband na si Cesar Montano ang pagpapa-sexy niya noon.

Sumalang ang aktres sa Fast Talk with Boy Abunda at dito ay tinanong siya ng host na si Boy Abunda kung pinagsisisihan ba niya na gumawa siya ng sexy movies noon.

Diretsong sagot ni Sunshine, “There was a time na ni-regret ko ‘yun, especially naging malaking parte ‘yun ng aming separation ng aking ex-husband.”

Patuloy niya, “But at the end of the day, mas naging stronger ako, mas natuto ako and ang ginawa ko lang, Tito Boy, ay mas pinatunayan ko sa mga tao na hindi lang ako sexy star or bold star.

“I can also be a singer, I can be an actress, and most especially, I am a good mom. I know that for a fact. Lahat naman tayo, nagkakamali, nagkakaroon ng maling desisyon nu’ng mga bata pa tayo pero ang importante ay kung ano tayo ngayon.”

Bahagya ring nagsalita si Sunshine tungkol sa paghihiwalay nila ng ex-boyfriend na si Macky Mathay.

Aniya, mas pinili na lang niyang manahimik dahil may mga batang involved tulad nga ng mga anak niya at anak din ni Macky.

Sa isang relasyon daw ay may tatlong mahahalagang elemento para maging successful at ito ay ang love, trust and respect.

“’Pag may isang nawala do’n, it’s not going to work,” she said.

Sa tanong kung ano ang nawala sa tatlong ‘yun sa relasyon nila ni Macky at ni Cesar, aniya ay parehong “trust.”

Sa tanong kung may third party bang involved sa paghihiwalay nila ni Macky, sey niya, wala siya sa posisyon na sabihin ito.

NALITO SA LOOK-ALIKE

Iba’t ibang teorya ang nabuo ng mga viewer sa paglitaw ng bagong karakter sa Unica Hija na kamukang-kamukha ni Hope (Kate Valdez).

Napanood last Thursday sa nasabing soap ang bagong karakter na ginagampanan din ni Kate.

Habang nakikipagtaguan sina Hope at Ralph (Kelvin Miranda) kina Lucas (Bernard Palanca) at Elina (Erin Ocampo), tila pinaglalaruan sila ng babaing kawangis ni Hope na ikinatuliro nila.

Maging si Hope ay na-confuse nang makita ang babaing nakasuot ng dilaw na kapote kagaya niya.

Sa gitna ng habulan, lumitaw ang lalaking nagngangalang Mickey at inalok sina Hope at Ralph ng tulong sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Sari-saring teorya ang nabuo ng manonood dahil sa paglabas ng look-alike ni Hope.

May nagsabing may kinalaman ito sa babaing nakatrabaho ni Dr. Christian (Alfred Vargas) na hindi pa rin tukoy ni Diane (Katrina Halili) kung sino.

Hinala naman ng isa pang viewer, buhay si Christian at anak niya ang tatlo pang tauhan na kamukha rin ng clone, na mapapanood sa teaser ng programa.

Mas kaabang-abang pa ang mga susunod na episode dahil ipakikilala kung sinu-sino ang iba pang karakter na kahawig ni Hope.

AUTHOR PROFILE