Default Thumbnail

Sunog sumiklab sa Ever Commonwealth

August 9, 2021 Melnie Ragasa-limena 449 views

SUMIKLAB ang sunog sa isang bahagi ng Ever Commonwealth shopping mall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, nitong Lunes ng ng madaling araw.

Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-2:13 ng madaling araw (August 9) nang magsimulang sumiklab ang sunog.

Nakita na lang umano ng mga night shift guards ang usok na nagmumula sa basement kaya’t inireport agad ito sa BFP.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero at naideklarang under control ang apoy dakong alas-4:35 ng madaling araw, bago tuluyang naapula pagsapit ng alas-5:52 ng madaling araw.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at hindi naman umano naapektuhan ang iba pang bahagi ng mall.

Sa pahayag naman ng pamunuan ng mall, tiniyak nito na walang nasaktan sa insidente.

Ayon sa nangangasiwa sa mall, iniimbestigahan na ng kanilang Operations and Security group at ng BFP ang sunog, na sinasabing nagmula sa back alley area sa basement.

Samantala, sa kabila naman ng sunog, nagbukas pa rin ang mall ganap na alas-10:00 ng umaga ngunit sarado muna umano ang Ever Supermarket ‘until further notice.’

Ipinagpaliban rin naman ng mall ang vaccination na naka-schedule sana nitong Lunes.

“Rest assured that Ever Commonwealth administration remains cautious and will continue to take all necessary precautionary measure to ensure the safety and health of our community, especially in these challenging times,” ayon sa pa sa isang pahayag ng nangangsiwa sa mall sa kanilang Facebook page.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy at kung ano ang pinagmulan nito