
Sunog sa QC 3 sugatan, 50 bahay naabo
TATLO ang sugatan at 50 magkakadikit na kabahayan ang naabo sa sunog na tumupok sa residential area sa Quezon City noong Lunes.
Nagtamo ng mga lapnos sa katawan sina Mark Eugene Ariaso, 17; Cymore Decalay, 47; at Marie Honey Rapan, 33, ng Purok 4, Upper Nawasa, Commonwealth, Quezon City.
Ayon kay FChief Insp. Jessie James Samaniego ng Quezon City Fire District, bandang alas-3:19 ng umaga nang tupukin ng apoy ang 2nd floor ng Unit 7, Purok 4, Upper Nawasa, Commonwealth na pag-aari ni Ronel Saliling.
Gaya ng usual na katwiran, pahirapan daw ang pagresponde ng mga bumbero sa mga nasusunog na bahay dahil sa masisikip na eskinita.
Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog na tumagal ng tatlong oras at naapula lang bandang alas-4:10 ng umaga.
Samantala, isang lalaki ang kinuyog ng mga residente sa hinalang may kinalaman sa pagsiklab ng sunog na dati na umanong ginawa nito at naagapan lamang.
“Silang magkapatid, pinetition na namin sila sa barangay. Nanununog kasi ‘yan sa barangay. Nung una, naagapan lang kaya hindi natuloy.
Ngayong gabi nagsindi na naman sila, tuloy-tuloy ‘yung apoy,” ayon kay Rolando Romero, residente ng lugar.
Mariing itinanggi ng lalaki na may kinalaman siya sa sunog at sinabing natutulog siya nang mangyari ang sunog.