Sunog sa Paco; 1 dedo, trak ng bumbero tumagilid

August 15, 2022 Jonjon Reyes 139 views

NADISKUBRE ang bangkay ng isang residente sa sunog na naganap madaling araw ng Lunes sa Paco, Maynila.

Apat ang nasugatan matapos tumagilid ang kanilang fire truck habang rumeresponde sa sunog.

Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog sa residential area sa Fabie Street sa Brgy. 815 sa Paco , bandang 1:17 a.m.

Dakong ala-1:27 nang magdeklara ang BFP ng ikalawang alarma at umabot ng 2:04 a.m. bago tuluyang nakontrol ang pagkalat ng apoy.

Sa mapping operation, dito nadiskubre ang bangkay ng isang residente na hindi nakalabas ng kaniyang bahay. Kinukumpirma pa ang pagkakakilanlan ng namatay habang isinusulat ang balita.

Nasa walong firetrucks ang rumesponde sa insidente. May isa pa sanang parating na trak ngunit hindi na ito nakatuloy nang tumagilid sa may bahagi ng Pedro Gil Street sa Brgy. 866 sa pagmamadali.

Nakunan sa CCTV ang insidente kung saan nang sumapit sa interseksyon ay nag-alangan ang firetruck dahil sa trak na nasa kabilang lane. Napakabig ang tsuper ng firetruck pakanan ngunit nabuslot ito sa ginagawang bahagi ng kalsada dahilan para tumagilid.

Isang pampasaherong jeep na nakaparada sa lugar ang nasira ang unahan habang isinugod sa pagamutan ang apat na sakay ng fire truck na nasa maayos nang kalagayan.

AUTHOR PROFILE