Default Thumbnail

Sundalo patay, 1 sugatan sa pananambang sa Basilan

February 22, 2023 Zaida I. Delos Reyes 276 views

PATAY ang isang sundalo habang sugatan naman ang isa pa matapos na pagbabarilin ng riding in tandem sa Sumisip, Basilan.

Gayunman, patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing sundalo na tinatayang nasa 40-anyos, may ranggong staff sergeant at miyembro ng 14 Scout Ranger Company ng Philippine Army (PA) habang isinugod naman sa pagamutan ang isa pa.

Ayon kay Col. Richard Verceles, operation chief ng Western Mindanao Police Command, naganap ang pananambang dakong 8:45 ng umaga (Pebrero 21) sa Sitio Kagarigan, Barangay Mebak, Sumisip, Basilan.

Lulan umano ang mga biktima ng isang motorsiklo pabalik sa kanilang patrol base sa Bgy. Cabengbeng mula sa battalion headquarters nang pagbabarilin sila ng mga suspect na lulan din ng isang motorsiklo.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang dalawang sundalo subalit isa sa kanila ang nasawi.

Narekover mula sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala mula sa caliber .45 pistol at motorsiklo ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.