SUMASALUDO si senatorial bet (ret.) Gen. Guillermo Eleazar sa mga Frontliners ng bansa!

March 26, 2022 Marlon Purification 119 views

Marlon PurificationSA sobrang busy ng lahat, wala na halos nakapansin na tatlong taon na pala ang nakalipas mula nang isailalim sa mahigpit na security protocol ang bansa dahil sa pandemya.

Maigi at kahit papano ay unti-unti na tayong nagbabalik sa normal ngunit hindi pa rin dapat magpakampante ang lahat dahil ang bagsik ng COVID-19 na nanganak na ng iba’t ibang uri ng ‘variants’ ay nariyan pa rin sa ating paligid.

Nitong nakalipas na Lunes, naging panauhing pandangal si dating PNP chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar sa pagdiriwang ng ikalawang taon ng Frontliners Day sa Caloocan City.

Sa buong bansa o kahit sa buong mundo, ang lungsod ni Caloocan Mayor Oca Malapitan lamang ang may pagdiriwang ng Frontliners Day bilang pagkilala sa dakilang gawain ng mga ‘essential workers’ sa bansa.

Iniakda ito ng tinaguriang Milenyal na Konsehal Vince Hernandez na tumatakbo naman ngayon bilang kinatawan sa konseho para sa District 1 ng lungsod.

Sinabi ni Hernandez na hanggang ngayon ay ipinaabot niya ang pakikiramay at simpatya sa lahat ng kaanak na namatay sa gitna ng pakikidigma sa Covid-19.

Maganda ang panukalang batas na ito ni ‘ConVINCEd’ dahil sa simpleng pagbibigay parangal ay naiibsan kahit papano ang lahat ng hirap, pagod, sakripisyo, lungkot at lumbay ng mga bayani nating frontliners.

Sakto ang ginawang pagbisita ni Guillor sa lungsod ng Caloocan dahil alam naman nating lahat na noong kasagsagan ng Covid, si Eleazar ang commander ng Task Force Covid Shield na nagsilbing hanay para sa pagpapatupad ng mahigit na quarantine protocol sa buong Pilipinas.

Tulad nina Malapitan at ConVINCEd, sinasaluduhan ni Guillor ang kabayanihan ng mga frontliners.

Nabanggit din sa talumpati ni Guillor ang planong gawin nang hiwalay na ‘police district’ ang Caloocan City.

Sa laki ng land area at populasyon ng lungsod, dapat ay matulad na ito sa Quezon City at Manila na may sariling command district sa buong kapulisan.

Sa ngayon kasi ay parte ang kapulisan ng lungsod sa Northern Police District na sumasakop din sa Malabon, Navotas at Valenzuela o KAMANAVA area.

Kung may hiwalay nga namang police district ang Caloocan City, puwedeng tumaas ang pondo at dumami rin ang bilang ng mga nakatalagang pulis ngayon sa lungsod.

Ang Caloocan City na may 188 barangay ay may mahigit na 1.6 million populasyon mula sa tatlong distrito – Ang District 1 sa North, District 2 sa South at ang bagong District 3.

Sabi ni Eleazar, matagal nang panukala ito na sanay mapagtibay ng susunod na administrasyon.

Si Eleazar ay tumatakbo sa pagkasenador ngayong darating na May 9, 2022 national elections.

Ang numero nito sa balota ay #23.

***

Samantala, hindi rin komportable si Eleazar sa panukalang bigyan ng tig-P500 kada mahirap na pamilya bilang ayuda sa ating mga kababayan dahil pa rin sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Mula P200 ay inatasan ng Pangulong Duterte ang Department of Finance para gawin itong P500.

Sinabi ni Guillor na batid niya ang kakapusan ng pondo ng pamahalaan para tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating mga kababayan. Ngunit ang P500 na ayuda ay hindi ito sapat para busugin ang kumakalam na sikmura ng taumbayan.

“Nauunawaan naman natin na hindi lahat ng LGUs ay may kakayahang gawin ito pero sa ating mga LGUs na may extra pondo, hindi naman siguro kalabisan na mag-share rin tayo ng tulong sa ating mga kababayan ngayong panahon ng kagipitan,” sabi pa ni Eleazar.