Inton

Suhestyong multa sa taxi drivers  dahil sa traffic violations binira

June 7, 2021 People's Tonight 439 views

BINATIKOS ng isang commuter group si dating QC Traffic management head Atty. Ariel Inton makaraang sabihin nitong taxi drivers dapat ang managot sa mga multa bilang paglabag sa batas trapiko at hindi ang mga mayayamang operators.

Hindi umano sang-ayon sa batas ang panukala ni Inton sapagkat ang mga taxi drivers ay mga ahente lamang ng mga operators at ang mga operators ang siyang rehistradong nagmamay-ari ng mga taxi units.

Ayon kay Pat Mangubat, tagapagsalita ng transport at commuter group na PASADA, labag sa mga ordinansa ng lungsod maging ng batas sa public transport ang panukala. ni Inton. Hindi na umano kataka-taka bakit sinipa ni Quezon City mayor Joy Belmonte si Inton bunga diumano ng limitado nitong kaalaman sa batas trapiko noong 2019.

“Bilang dating kasapi ng LTFRB ay batid niyang kapagka pinagmaneho ng operator ang isang drayber ay nagiging ahente nya ito at anumang gawin nito sa panahong nagmamaneho siya ng sasakyan ay kargo ng operator. Basic yan sa law of agency,” sabi ni Mangubat.

Kung sa mga aksidente nga sa daan na ang drayber ang may pagkakasala, sinasagot ng mga taxi operator, gayundin kung lumabag sila sa batas trapiko.

Dati rati, ayon kay Mangubat, naisasaayos ng mga operator ang multa sa pamamagitan ng iligal na paraan, wala silang lusot sa no contact apprehension program o NCAP dahil direkta sa local government units ang bayaran ng multa.

“ Kaayusan ang dala ng NCAP at mabuti ito sa pangkalahatan, di lamang sa commuters. Naiiwasan ang “ayusan” at “lagayan”, dagdag ni Mangubat.

Gamit ang mga sopistikadong cameras, naiispatan ng NCAP ang mga lumalabag sa batas trapiko beinte kuwarto oras. Papadalhan ng notice of violation (NOV) ang may-ari ng sasakyang rehistrado sa Land Transportation Office o LTO. Sa NOV, malinaw na video grab ang lalabas patunay ng paglabag sa batas trapiko.

“Malinaw sa batas, maging sa public transport law na ang operators ang me pananagutan sa mga gawaing isinasagawa ng taxi drivers sa sandaling gamitin nito ang taxi units ng operators. Ang operator ang nakarehistrong nag-mamay-ari ng oto kaya dapat may pananagutan sila sa sandaling lumabag sa batas trapiko ang kani-kanilang mga drayber dahil agente nga nila ang mga ito,” ayon kay Mangubat.

Payag si Mangubat na padalhan din ng notice of violation ang mga drayber at bahala na ang mga drayber at operator kung papaano nila babayaran ang mga multa. Pero, para sa kaayusan ng daloy ng trapiko, kailangan ng disiplina.

“Simple ang problema nila— kung ayaw mong magbayad ng multa, sumunod ka sa batas trapiko para sa kaligtasan naming mga commuters,” ayon kay Mangubat.

“Mali rin aniyang sabihing walang basehan sa batas ang pagpapatupad ng NCAP dahil nakasalalay sa mga ordinansya ng mga lungsod ang nasabing programa. Aprubado ang NCAP ng mga lungsod na ito upang mapaganda ang daloy ng trapiko at magkaroon ng disiplina ang motorista,” dagdag ni Mangubat.

AUTHOR PROFILE