Sugatang parak dinalaw ni PNP-IAS chief Dulay
BINISITA noong Miyerkules ni Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Brigido Dulay ang pulis na nasugatan sa buy-bust sa Sultan Kudarat noong Nobyembre 15 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang miyembro ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).
Sa pagbisita kay Patrolman Jonel Ramos sa isang ospital sa General Santos City, tiniyak ni Dulay ang suporta ng PNP-IAS sa sugatang pulis.
Nasugatan si Pat. Ramos at Pat. Eddie Sugarol matapos paulanan ng bala ng mga heavily-armed drug dealers sa Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Napatay naman sa buy-bust din sina Corporal Kirt Sipin at Patrolwoman Roselyn Bulias sa palitan ng putok matapos na makumpiska ng mga tauhan ng PNP-DEG Bangsamoro Administrative Region Office ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million mula sa kasamahan ng mga armadong suspects.
“Ang tungkulin ng pagpapatupad ng batas hindi lamang trabaho kungdi isang bokasyon na nangangailangan ng tapang, pagsasakripisyo, at kahandaang harapin ang panganib araw-araw,” sabi ni Dulay. “Ang mga pulis tulad ni Patrolman Ramos sumasalamin sa katapangan at dedikasyon na naglalarawan sa Philippine National Police” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Dulay ang mahalagang papel ng IAS sa pagtiyak na ang PNP kumikilos nang may integridad at pananagutan habang isinusulong ang kapakanan ng mga tauhan nito.
Ayon kay Dulay, isinusulong ng IAS ang misyon nitong tiyakin na ang PNP nananatiling institusyong pinagkakatiwalaan ng publiko, lalo na sa harap ng mga mapanganib at madalas na pagbabanta sa buhay sa bawat operasyon ng pulisya.
Nagtapos ang pagbisita sa pagpapahayag ni Dulay ng pakikiisa kay Patrolman Ramos at sa kanyang pamilya.
Kasalukuyang nasa Region 12 si Dulay para sa command visit at inspection ng mga regional, provincial at city police offices upang subaybayan at suriin ang disiplina ng mga tauhan at ang kahandaan sa operasyon ng mga yunit ng PNP sa lugar.