Default Thumbnail

Sugarol timbog sa shabu, ecstasy

March 29, 2022 Edd Reyes 304 views

ISA sa limang kalalakihan na nahuli sa akto ng iligal na pagsusugal ang nakuhanan ng shabu at party drugs ng pulisya, Linggo ng gabi sa Makati City.

Sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Poblacion Police Sub-Station sa Bernardino St., Bgy. Guadalupe Viejo dakong alas-7:30 ng gabi nang lapitan sila ng isang residente sa lugar upang isumbong ang nagaganap na pagsusugal ng kalalakihan sa Laperal Compound.

Kaagad na nagtungo ang kapulisan sa lugar kayat’ nahuli nila ang mga suspek na kinilalang sina John Kenneth Ariola alyas “Beejay”, 21; Jose Matriz, 30; Ernesto Mendoza, 42; Enrique Sayson, 27; at Helen Belmonte, 46, sa aktong nagsusugal ng “cara y cruz”.

Nang atasan silang ilabas ang laman ng bulsa ng suot na damit, tumambad sa pulisya ang isang plastic sachet na naglalaman ng walong piraso ng ecstasy na may kabuuang halagang P23,024 at 12 plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang na anim na gramo ng shabu na may halagang P40,800 na mula sa bulsa ni Ariola.

Nakumpiska rin ng pulisya ang tatlong piraso ng barya na ginagamit bilang “pangara” at P450 halaga ng tayang salapi.

Ang mga naaresto ay sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling habang karagdagang paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban kay Ariola sa Makati City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE