Sue

Sue butas ang puso sa pagkawala ng lola

June 22, 2024 Vinia Vivar 207 views

Wasak ang puso ngayon ni Sue Ramirez dahil sa pagpanaw ng kanyang pinakamamahal na lola na “Mama” kung kanyang tawagin.

Sa Instagram ay ipinahayag ng aktres ang pagdadalamhati habang inaalala ang kanyang lola na aniya ay siyang nag-alaga sa kanya.

“Ilang araw na akong nagiisip kung anong sasabihin. Wala talagang pumapasok sa isip ko. Kung lubusan niyo akong kilala, alam niyo na isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko ay ang lola ko. Si Mama. Hindi kailanman magiging sapat ang mga salita para ipaliwanag kung gaano ko siya kamahal at ang pagpapasalamat ko sa kanya.

“Si Mama ang nag alaga sakin habang lumalaki ako, kasama ko palagi nung nagsisimula palang ako. Halos araw araw puyat sa mga taping at trabaho pero kahit kailan hindi ko naringgan na pagod siya o kailanman nagsabi na hindi nya muna ako masasamahan kasi may gagawin siya. Kay Mama ko naramdaman yung feeling na maging #1,” ani Sue.

“Mahal na mahal kita, Mama. Salamat sa napaka-selfless na pagmamahal na ibinigay at itinuro mo saakin. Habang buhay nang may butas ang puso ko dahil sa pagkawala mo. Habang buhay ko mamimiss na asarin ka at kumandong sayo. Yung boses mo at ngiti mo.

“The purest form of love that I have ever known. Sobrang swerte ko na naranasan kong mahalin at pahalagahan ng ganito. I will forever keep your memory alive, Ma. Sa isip at sa puso ko hinding hindi ka mawawala,” mensahe niya sa kanyang ‘Mama.’

Aniya, may bago nang anghel na magbabantay sa kanya ay humiling din siya ng panalangin sa netizens para sa kanyang lola.

“My grandmother passed away last Tuesday. Sana maisingit niyo siya sa mga panalangin ninyo,” ani Sue.

Sa comment section ay nagpahatid naman ng pakikiramay ang netizens at celebrities tulad nina Ara Mina, Jason Abalos, Rayver Cruz, Chito Miranda, Iza Calzado, Melai Cantiveros, Angeline Quinto, Valerie Concepcion, Dominic Ochoa, Nikki Valdez, Jerald Napoles, Chie Filomeno at marami pang iba.

Siyempre, nag-iwan din ng komento ang boyfriend niyang si Javi Benitez. Anito, “Mama Nitz… Deepest and sincerest condolences, @sueannadoodles.”

LARA NAMI-MISS ANG ANAK NINA RAMBO AT MAJA

LaraMasayang-masaya ang mag-asawang Maja Salvador at Rambo Nuñez sa pagbisita sa Canada ng kanilang mga kaibigang celebrity couple na sina Marco Alcaraz at Lara Quigaman mula sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay nasa Canada pa rin kasi sina Maja at Rambo matapos isilang doon ng aktres ang kanilang first baby na si Maria nitong May 31.

Ipinost ni Lara sa Instagram ang larawan nilang apat kasama si Baby Maria at ang caption ng aktres ay, “From Pampanga to Canada.”

Makikita nga sa picture na karga pa ni Lara ang si Baby Maria.

Ni-repost naman ito ni Rambo sa kanyang IG Story at nagpasalamat sa mag-asawa.

“All love for years of great friendship. Thanks for spending time with us & Maria,” saad ni Rambo.

Ibinahagi naman ulit ito ni Lara sa kanyang IGS at sa caption ay sinabi niyang “missing Maria already.”

Matatandaan na nagkasama ang dalawang aktres sa The Killer Bride teleserye noong 2019.

Isa rin sa mga dumalo sa kasal nina Maja at Rambo sa Bali, Indonesia ang mag-asawang Marco at Lara.

AUTHOR PROFILE