Quiboloy

Subpoena wala pa rin

February 18, 2024 People's Tonight 108 views

MULING magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa Lunes kaugnay ng mga akusasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Subalit hindi pa rin malinaw kung sisipot na ba ang lider ng KOJC na si Pastor Apollo Quiboloy lalo at hindi napirmahan kaagad ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena para rito.

Nauna rito ay ipinahayag ni Sen. Risa Hontiveros na hindi pa rin napipirmahan ni Zubiri ang subpoena para kay Quiboloy na inaprubahan ng komite sa pagdinig noon pang Enero 23.

Hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig kaya nagpalabas ng subpoena ang komite ni Hontiveros. Kailangan naman itong pirmahan ni Zubiri.

“So, gaya ng nabanggit ko ay mayroon talagang subpoena ang komite at ni-request ko, at nire-request iyon, usually ministerial lamang ang pirma ng Senate President,” ani Hontiveros sa isang press conference.

Ayaw naman nitong tawagin na obstruction of justice ang ginawa ni Zubiri subalit ang paglagda umano sa subpoena ay isang ministerial duty.

“Kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa napirmahan iyon, hindi ko maipaliwanag iyon. Mas maigi kung kay Senate President ninyo na lang itanong,” dagdag pa ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na sumulat na rin siya kay Zubiri upang ipaalala ang pagpirma sa subpoena.

Sa sulat kay Zubiri, sinabi ni Hontiveros na hindi kinilala ni Quiboloy ang imbitasyon ng kanyang komite.

Ang subpoena ay para sa pagdinig ng komite ni Hontiveros noong Pebrero 12 pero hindi na napirmahan ni Zubiri.

Humarap sa pagdinig ng Senado ang mga dating miyembro ng KOJC, kasama ang dalawang babaeng Ukrainian na nakaranas umano ng pang-aabuso.

Tinututulan ng kampo ni Quiboloy ang imbestigasyon ng Senado at sinabi na ito ay politically motivated.

Ayon sa mga suporter ni Quiboloy, nais lamang sirain sa imbestigasyon ang Pastor at ang KOJC.

AUTHOR PROFILE