Default Thumbnail

Stop and Go sa POGO?

January 23, 2023 Marlon Purification 278 views

Marlon PurificationMAGLALABAS na ng committee report ang Senate committee on ways and means hinggil sa kasasapitan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Hindi tayo tiyak kung ito na ba ang magbibigay tuldok upang tuluyan nang huminto ang POGO sa bansa.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng komite, maaaring mapirmahan ang pinapaikot na committee report ngayong araw ng Martes o sa araw ng Miyerkules.

Kaugnay nito, magsasagawa pa ng isang pagdinig ang komite upang talakayin naman ang isyu ng governance at sa income tax na binabayaran ng mga dayuhang empleyado ng POGO.

“Noong nire-review namin ang Committee Report at binangga namin sa batas, marami kaming nakitang katanungan at ito ay particularly sa third party auditor at gusto namin marinig sa Pagcor at sa third party auditor at sa iba pang mga resource persons natin ‘yong mga issue patungkol dito,” ani Gatchalian.

“Pangalawa, meron din kaming nakita sa batas na dapat mapag-usapan. Ito ang income tax na binabayaran ng mga nagtatrabaho, foreigner na nagtatrabaho sa POGO,” paliwanag pa ng senador.

Sa panayam ng ilang miyembro ng Malacanan Press Corps na kasama ni President Bongbong Marcos sa Davos, Switzerland, sinabi nitong posibleng hindi na niya payagan ang operasyon ng POGO kung patuloy itong magdudulot ng kasamaan sa ating lipunan dahil sa mga kaakibat na krimen sa operasyon nito.

Magkahalo ang reaksiyon dito ng taumbayan.

May nagsasabi kasing malaking tulong ang POGO sa pamahalaan dahil bilyong piso ang naipapasok nito sa kabang yaman ng bansa.

Sinabi mismo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umabot sa P1.22 billion ang kinita ng gobyerno sa unang buwan ng pagpapatupad ng POGO.

Taong 2016 nang magsimula ang POGO sa Pilipinas matapos lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11590.

Sa pag-usbong ng kalakarang ito, lumobo rin umano ang bilang ng mga illegal Chinese workers sa bansa, pati na ang krimen tulad ng kidnapping at prostitusyon. Nariyan rin ang malalaking isyu tulad ng hindi pagbabayad ng buwis ng mga POGO at ang kasisiwalat lang na katiwalian sa Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng “pastillas scheme.”

Dalawang mataas na opisyal ng BI pa nga ang nakakulong hanggang ngayon, kabilang ang isang retiradong opisyal naman ng Philippine National Police (PNP).

Kung ihahambing ang mga masasamang istorya na nililikha ng POGO sa kabutihang dulot nito, hamak na mas nakatatakot ang nililikhang ‘gulo’ nito sa bansa.

Ang isa pang matibay na dahilan kung bakit dapat­ nang tuluyang ipagbawal ang POGO ay bakit sa bansang China ay bawal ito, samantalang sa atin ay malaya silang nakapaghahanapbuhay?

Wala ring pormal na pag-uusap o kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at China. Eh bakit maraming opisyal ng pamahalaan ang naggigiit na ipagpatuloy ang operasyon ng isang bagay na mis­mong sa bansang pinagmulan nila ay deklaradong ilegal?

Ang mga POGO employees na nasa Pilipinas ay ‘blacklisted’ sa sariling bansa nila sa China.

Na ang ibig sabihin lang nito ay tayo mismo ang kumukupkop sa mga Chinese nationals na gumagawa ng illegal sa kanilang sariling bayan.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri mismong si Chinese Ambassador Huang Xilian ang nagkumpirma sa kanya na illegal ang POGO sa China.

Nangangamba pa nga raw ang China na baka pati ang mga turistang Tsino ay maging biktima ng mga krimen na ginagawa kaugnay ng operasyon ng POGO. Isa palang triad o sindikato ang nasa likod ng operasyon nito.

Kung ganito ang sitwasyon, wala na talagang dahilan para manatili ang POGO!